10 tagasuporta ng Sulu sultan patay sa Sabah
MANILA, Philippines - Sampung miyembro ng royal army ng Sultanate of Sulu ang patay at apat pa ang sugatan matapos makasagupa ang security forces sa Lahad Datu, Sabah ngayong Biyernes ng umaga.
Sa isang pulong-balitaan inihayag ng tagapagsalita ni Sultan Jamalul Kiram III na si Abraham Idjirani na mismong si Raja Muda Agbimuddin Kiram ang nagsabing nakita ng dalawang mata niya ang mga bangkay ng 10 miyembro ng royal army.
"Nakita nya with his own two eyes," pahayag ni Idjirani.
Aniya, ang 10 miyembro ng royal army ay napaslang matapos makasagupa ng grupo ang mga Malaysian forces bandang 10:15 ng umaga sa Lahad Datu.
Kahit pa nalagasan ng mga tauhan, sinabi ni Idjirani na mas gusto pa rin ni Sultan Kiram na maresolba ng mapayapa ang problema sa Sabah.
Nagkaroon ng tensyon sa Lahad Datu matapos dumating ang mga tauhan ni Kiram sa lugar may dalawang linggo na ang nakakalipas.
Gustong igiit ng mga Kiram ang karapatan nila sa pag-aari ng Sabah.
Sa mga naunang ulat, sinabi ni Foreign Affairs Assistant Secretary Raul Hernandez na kinumpirma ni Malaysian Ambassador to the Philippines Dato Mohd Zamri Mohd Kassim na nagkaroon ng pagpapaputok ng baril sa Lahad Datu.
Gayunman, sinabi ni Hernandez na iniulat ni Kassim kay Foreign Affairs Secretary Albert del Rosario na walang namatay o nasugatan sa insidente. Hindi rin umano makumpirma ni Kassim kung saang grupo nagmula ang putok.
Sinabi rin ng Malakanyang sa isang pulong-balitaan na base sa natanggap nilang ulat, "warning shots" lamang ang pinakawalan ng puwersa ng Malaysia upang takutin ang mga miyembro ng royal army na nagtatangkang lumabas sa pinagkukutaan nilang lugar sa Lahad Datu.
Ayon kay Idjirani, ang pagtanggi ng gobyerno na kumpirmahin ang mga ulat na may namatay sa pamamaril ay bahagi ng isang "cover up."
Sa ulat ng The Star online, online news website sa Malaysia, dalawa ang namatay sa panig ng Sultanate of Sulu at sugatan naman ang ilang miyembro ng Malaysian forces sa naganap na barilan sa Lahad Datu.
Iniulat din ng naturang news website na 12:45 na ng tanghali ay may naririnig pang mga putok ng baril sa lugar.
- Latest
- Trending