Bibitaying OFW humihingi ng blood money kay PNoy
MANILA, Philippines - Nanawagan ang isang migrant workers' rights group sa gobyerno ngayong Miyerkules na magpaluwal ng P1.5 milyon upang makumpleto na ang blood money para sa Pilipinong nakatakdang bitayin sa Saudi Arabia.
Sinabi ni Migrante-Middle East regional coordinator John Monterona na kahit ang bibitaying si Rogelio Lanuza at kanyang mga magulang ay sumulat na kay Pangulong Benigno Aquino III upang maglabas ng pondo para saluhin ang blood money.
Ayon kay Monterona, binanggit ni Lanuza na dalawang taon na ang nakakalipas simula nang patawarin siya ng mga kamag-anak ng kanyang napaslang ay hindi pa rin niya mabayad-bayaran ng buo ang hinihinging blood money.
"Your Excellency, almost P1.5M is the only remaining balance I need for my freedom. Please grant me the said amount for time is running out for (sic) me," sabi ni Monterona base sa sulat ni Lanuza kay Pangulong Aquino noong Pebrero 25.
Sinabi din ni Monterona na tikom din ang bibig ng Department of Foreign Affairs sa usapin ng blood money na nauna nang ipinangako ng gobyerno na ipapaluwal para kay Lanuza.
Nakulong si Lanuza sa Saudi Arabia matapos niyang aksidenteng mapatay ang kanyang landlord habang nasa kainitan ng pagtatalo hinggil sa renta noong 2001.
- Latest
- Trending