Maritime cooperation paiigtingin ng Japan at Pilipinas
MANILA, Philippines – Magsasama sa isang dayalogo ang mga kinatawan ng Pilipinas at Japan upang paigtingin ang "maritime cooperation" sa pagitan ng dalawang bansa.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), gaganapin ang 2nd Dialogue on Maritime and Oceanic Affairs sa punong tanggapan nito sa Pasay City sa Biyernes.
"During the meeting, the two countries will discuss various areas of cooperation particularly in maritime safety, maritime security, anti-piracy measures, fisheries and marine scientific research," sabi ng DFA.
Pangungunahan ni DFA Assistant Secretary Gilberto Asuque ang delegasyon ng Pilipinas at kasama niya bilang co-chairman si Special Assistant Henry Bensurto, ang DFA Office of the Undersecretary for Policy.
Pamumunuan naman ni Kenji Kanasugi, Deputy Director-General for Southwest and Southeast Asian Affairs, Ministry of Foreign Affairs ang delegasyon ng Japan.
Kapwa naiipit ang dalawang bansa sa agawan ng teritoryo sa China.
Nag-aagawan ang Pilipinas at China sa pag-aari ng Panatag Shoal malapit sa probinsya ng Zambales at ilang parte ng Spratly Group of Islands malapit sa probinsya ng Palawan.
Ipinaglalaban naman ng Japan ang pagmamay-ari sa Senkaku Island na tinatawag ng China na Diaoyu Island.
Nagkaroon na rin ng dayalogo sa kaparehong paksa sa pagitan ng Pilipinas at Japan na ginanap sa Tokyo noong 2011.
- Latest
- Trending