'REX Series' ng Samsung ipinakilala sa India
MANILA, Philippines - Ipinakilala nitong Huwebes ng Samsung Electronics Co ang bago nitong "smart feature phone sa India.
Inilatag ng Samsung sa isang launch event sa New Delhi ang "REX Series" na kinabibilangan ng apat na smart phone models.
Ang apat na bagong smart phone models ay may 2.8x3.5 pulgada na display screen at 1.3 to 3.2 megapixel camera.
Kahit hindi gumamit ng Android OS, puwede pa ring makapag-download ng mga application ang mga gagamit ng mga bagong modelo sa pamamagitan ng pagpunt sa "Samsung Apps."
Ang mga bagong Samsung smart phones ay may kakayahan ding kumunekta sa mga social media networks.
Sinabi rin ng Samsung na ang "REX Series" ay eksklusibo munang ilalabas sa India. Susunod na ikakalat ang bagong "series" ng Samsung sa mga bansang Russia, Africa at South America.
Hindi naman binanggit ng Samsung ang detalyadong schedule ng paglabas ng "REX Series."
Naglabas ang Samsung ng "REX Series" para sa mga hindi makabili ng mamahaling smart phones. Kamakailan lamang ay ipinakilala ng Nokia ang "Asha" line-up nito habang naglabas naman ang LG Electronics Inc. ng sarili nitong koleksyon ng murang smart phones na kabilang sa L series nito.
Inaasahang aabot sa 653 milyong piraso ang maibebentang mababang uri ng smartphones ngayong taon.
- Latest
- Trending