Sawmill sa Lanao ipinasara

MANILA, Philippines – Ipinatigil ng awtoridad ang operasyon ng isang sawmill at nakasabat ng dose-dosenang ilegal na pinutol na puno sa Lanao del Norte, ayon sa isang opisyal ng military ngayong Huwebes.

Ayon sa tagapagsalita ng Army 1st Division na si Maj. Edgardo Amores, nagsagawa ng anti-illegal operations ang pinagsamang pwersa ng pulis at military mula sa 35th Infantry Battalion kasama pa ang mga tauhan ng City Environment and Natural Resources (CENRO) Malingao, bayan ng Tubod, kaninang madaling araw.

Sinabi ni Amores na nasabat nila ang iba’t ibang klase ng 27 pabilog na troso, na pinaniniwalaang ilegal na pinutol mula sa kabundukan ng probinsya ng Lanao, sa isang sawmill na pagmamay ari ni Eddie Solatorio.

Kinumpiska ng mga tauhan ng CENRO ang mga troso at ipinatigil ang operasyon ng sawmill matapos walang maipakitang papeles ang mga tauhan nito.
 

Show comments