MANILA, Philippines – Isang bagong testigo sa pagpatay sa 13 katao sa Atimonan, Quezon noong Enero 6 ang isinailalim sa Witness Protection Program (WPP), ayon kay Justice Secretary Leila de Lima ngayong Miyerkules.
Sa isang ulat sa radyo, sinabi ni De Lima na lulan ng isang trak ang testigo na dumaan sa Maharlika Highway sa Baranggay Lumutan, Atimonan habang umano'y nagbabarilan ang mga pulis at grupo ni suspected jueteng lord Vic Siman.
Noong nakaraang linggo dinala ni De Lima at ng mga tauhan ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawa pang testigo sa Baranggay Lumutan upang magsagawa ng reenactment ng kanilang nasaksihan.
Kasakay ng dalawang naturang testigo ang pangatlong testigo sa trak.
Base sa mga pahayag ng dalawang naunang testigo, sinabi ni De Lima na mukhang pinaslang nang walang kalaban-laban ang grupo ni Siman. Naniniwala rin siyang walang nangyaring shootout sa pagitan ng mga pulis at ng grupo ni Siman.
Ang tumayong pinuno ng operasyon na naglagay ng checkpoint ay si Senior Superintendent Hansel Marantan ay natanggal na sa pwesto. "Restricted to barracks" na rin ang mga tauhan ni Marantan at 25 sundalo na kasama sa operasyon.
Sinibak na rin sa puwesto si Calabarzon regional police director, Chief Superintendent James Melad, dahil sa naturang insidente.