2,000 deboto ng Nazareno kinailangan ng tulong medikal
MANILA, Philippines – Higit 2,000 katao na lumahok sa prusisyon ng Itim na Nazareno kahapon ang humingi ng tulong sa mga istasyon ng Philippine Red Cross.
Ayon kay Red Cross Secretary General Gwendolyn Pang sa isang panayam sa radyo, 860 ang nagtamo ng minor injuries, habang 36 ang nagkaroon ng seryosong pinsala dahil sa pagdagsa ng mga tao upang mahawakan ang imahe ng Itim na Nazareno na sakay ng karo mula Quirino Grandstand pabalik ng Quiapo Church.
Dagdag ni Pang na 577 pa ang nagpatingin ng kanilang blood pressure, habang 12 katao ang kinailangang isugod sa ospital.
Walong bata ang nawala sa hindi mahulugang karayom na dami ng tao, pero kalauna’y natagpuan din ng kanilang mga kamag-anak.
Ang Metro Manila Development Authority at iba pang medical teams ay rumesponde naman sa 500 iba pang deboto na nangailangan ng tulong.
Ayon sa mga ulat, nasa 9 milyon katao ang lumahok sa taunang prusisyon ng Itim na Nazareno.
- Latest
- Trending