7 patay sa pagwawala ng durugista sa Cavite
January 4, 2013 | 2:14pm
MANILA, Philippines - Pito katao ang patay matapos mamaril ang isa umanong durugista sa Kawit, Cavite, Biyernes ng umaga.
Kabilang sa mga napaslang ang pinagsusupetsahang durugista na si Ronald Bae, residente ng Barangay Tabon 1. Napatay si Bae ng mga pulis habang pinagbabaril ang kanyang mga ka-barangay.
Pinaghahanap naman ang alalay umano ni Bae na si John Paul na nakita ng mga ilang nakasaksi sa pamamaril na siyang nagre-reload ng baril ng suspek sa tuwing mauubusan ito ng bala.
Ayon kay Cavite Governor Jonvic Remulla, magbibigay sila ng P100,000 na pabuya sa mga taong makakatulong sa mga awtoridad upang mahuli si John Paul.
Ayon sa pulisya, may 19 katao ang nabaril ni Bae simula alas-8 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga.
Kabilang sa mga napaslang ni Bae ang buntis na si Rhea de Vera at pitong-taong-gulang na si Mikaela. Patay rin ang tricycle driver na si Boyet Toledo at taho vendor na si Al Oreo.
Hindi pa batid ang pagkakakilanlan ng ibang nasawi at sugatan sa pamamaril ni Bae.
Base sa salaysay ng ilang nakasaksi, binaril ni Bae si De Vera sa tiyan pagkatapos tumakbo papasok sa kanyang bahay.
Isa pang bahay ang umano'y pinasok ni Bae at pinagbabaril ang mga nakatira ritong mga bata.
Sa panayam kay Remulla sa dzMM radio, naiulat na umano ng mga kapit-bahay ni Bae ang pagpapaputok nito ng baril noong Enero 2.
Aniya may natanggap siyang balita na iniwan si Bae ng kanyang asawa dahil sa patuloy nitong paggamit ng bawal na gamot.
Hinihinalang ito ang dahilan ng pagwawala ng suspek.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended