Party-list raffle ngayon sa Comelec
January 4, 2013 | 11:36am
MANILA, Philippines – Ang mga kinatawan ng 135 na party-list groups na lalahok sa mid-term elections ngayong Mayo ay inaasahang dadagsa sa tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) sa Maynila para sa isang raffle.
Ayon kay Comelec Commissioner Rene Sarmiento, ang naturang raffle ay para malaman ang magiging pagkakasunud-sunod ng listahan ng mga party-list groups sa balota na gagamitin sa darating na halalan.
Idinagdag ni Sarmiento na sa nasabing bilang ng mga party-list groups, 84 ang pinayagan na tumakbo habang ang 51 pa ay kailangang makakuha ng status quo ante order mula sa Korte Suprema.
Ayon sa Comelec en banc resolution 9591, kailangang dumalo ang kahit dalawang commissioner, kinatawan ng party-list na grupo, at ilang miyembro ng media sa naturang raffle.
Sa mga nakalipas na halalan, ang puwesto ng mga party-list groups sa balota ay base sa alphabetical order. Nauuna naman sa listahan ang mga party-list groups na may "1" sa unahan ng kanilang pangalan.
Sa pamamagitan ng naturang resolusyon, binago ng Comelec ang alphabetical rule at sa pamamagitan na lamang ng raffle malalaman ang pagkakasunud-sunod sa listahan sa balota.
Nakatakda sanang gawin ang raffle noong Disyembre 17 pero iniusog ito ngayong Enero 4 dahil kailangan muna ng Comelec tapusin ang mga hindi pa nareresolbang kaso ng party-list groups. Dennis Carcamo
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended