Pilipinas kabilang sa 10 masayang bansa sa mundo
MANILA, Philippines – Isa ang Pilipinas sa 10 pinakamasasayang bansa sa buong mundo, ayon sa survey firm na nakabase sa Estados Unidos.
Sinabi ng US based polling firm na Gallup Inc. na ang Panama at Paraguay ang may "highest positive emotions worldwide" dahil 85 porsyento ng mga nakausap nila sa dalawang bansay ay sumagot ng "OO" sa mga tanong na: Did you feel well-respected yesterday? Were you treated with respect all day yesterday? Did you laugh or smile a lot yesterday? Did you learn or do something interesting yesterday? Did you experience the following feelings during a lot of the day yesterday? How about enjoyment?
Sumunod ang El Salvador at Venezuela na may 84 porsyento at pumangatlo naman ang Trinidad and Tobago at Thailand na parehong nakakuha ng 83 porsyento.
Magkasalo ang Pilipinas at Guatemala sa pang-apat na puwesto na kapwa nakakuha ng 82 porsyento sa survey.
Ang huling pares sa 10 mga bansang pinakamasaya ay ang Ecuador at Costa Rica na may 81 porsyento.
Kabilang sa mga nakausap ng mga taga-Gallup Inc. sa Pilipinas ang 35-anyos na security guard na si Felicio Sayat.
Nagkumento si Sayat na masaya siya dahil kapiling niya ang kanyang pamilya. "Masaya kami kapag magkakasama," anang sekyu na nakatoka sa isang parking lot sa Maynila.
Ginawa ng Gallup Inc. ang survey noong 2011 sa 148 na bansa.
"Results are based on telephone and face-to-face interviews with 1,000 adults, aged 15 and older, conducted in 2011 in 148 countries and areas," sabi pa ng kumpanya.
Samantala, lumabas din na ang Singapore ang bansang may "lowest positive emotions worldwide" kung saan 46 porsyento lamang ang sumagot ng "OO" sa mga naturang tanong.
Sunod na may mababang "positive emotions" na mga bansa ay ang Armenia Iraq, Georgia, Yemen, Serbia, Belarus, Lithuania, Madagascar, Afghanistan, Azerbaijan, Haiti, Togo at Macedonia.
- Latest
- Trending