P-Noy pinamamadali ang pagpasa ng RH bill sa Kongreso
MANILA, Philippines - Minarkahan na ni Pangulong Benigno Aquino III nitong Huwebes ng gabi bilang "urgent" ang kontrobersyal na Reproductive Health (RH) bill.
Ang naturang hakbang ay hudyat ng Pangulo sa mga kaalyado niya sa Kongreso na madaliin tiyaking maipapasa ang panukalang batas bago pumasok ang 16th Congress.
Ang naturang hakbang ay ginawa ni Aquino matapos ipasa ng mga kongresista sa mababang kapulungan, sa pamamagitan ng botong 113-104, ang House Bill 4244 o ang Responsible Parenthood, Reproductive Health And Population And Development Act sa ikalawang pagbasa.
Sa Lunes ng hapon itinakda ang susunod na deliberasyon ng Kamara de Representante at inaasahang pipiliting ipasa ng liderato nito sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas na may 14 taon nang nakasalang sa Kongreso.
Samantala, maaari pa rin magbago ang resulta ng botohan sa Kamara sa Lunes. Ito ay dahil mahigit 60 mambabatas ang hindi nakasali sa botohan na nagsimula noong Miyerkules ng gabi at natapos madaling araw na ng Huwebes.
Samantala, nananatiling nasa process of amendments pa rin ang Senado sa sarili nitong bersyon ng RH bill.
Ayon kay Senador Vicente Sotto III, hinihintay pa ng Senado ang magiging resulta ng mga botohan sa Kamara bago ito tuluyang tapusin ang debate at pagbotohan ang kontrobersyal na panukala.
Noong Miyerkules, pumayag ang Senado na ipasok ang proposed amendment ni Senador Ralph Recto na layong tanggalin ang probisyon sa Senate Bill 2865 o An Act Providing for a National Policy on Reproductive Health and Responsible Parenthood na nagbibigay-laya sa mga kabataan na makakuha ng contraceptives.
Sa mungkahi ni Recto, dapat ay magkaroon ng written consent ang mga magulang ng menor de edad bago siya mabigyan ng condom o birth control pills.
- Latest
- Trending