OFW sa Syria nais nang umuwi ng 'Pinas
MANILA, Philippines – Isang domestic helper sa Syria ang humihingi ng tulong upang agarang makalabas ng naturang bansa at tuluyang makauwi ng Pilipinas.
Ang overseas Filipino worker na si si Annie Bustamante Belbes, 26, ng Camarines Sur, ay nag-text sa kanyang ina noong Miyerkules upang humingi ng tulong na mapauwi na siya mula Damascus.
Nakasaad sa text message na: “Pkontak u ki ate mila agency d2 sbi u f su2duin nla q sa Sunday kc dnig q alis kmi sa webs blik Sat. Sa CP q cia magkontak wg n 2mwag pyag na amo q lalki lng ba2e kontrabida tntngal line ng tel. at ayaw q pag0tin. Ptx u cla sa CP q. dkc cla nagre2ply skin. My pnsbog d2 kotse 15 ptay my mga jetplane nrin d2.”
Sinabi ng ina ng OFW na si Maria Gloria Bustamante na gusto ni Annie na kausapin niya si Mila, isang opisyal sa lokal na gobyerno ng Pasacao, Camarines Sur, upang idulog sa Embahada ng Pilipinas sa Syria na makauwi na siya ngayong Linggo.
Sa isang text message, sinabi ng OFW na pinayagan na siyang umuwi ng kanyang lalaking boss habang ang asawa niya ay pinipigilan na umalis sa Syria.
Sinabi rin ng OFW sa naturang mensahe na isang kotse malapit sa lugar na kanyang kinaroroonan ang pinasabog at 15 katao ang patay sa insidente.
Humingi na rin ng tulong ang ina ng OFW kay Camarines Sur 2nd District Rep. Diosdado Arroyo noong Marso ngayong taon.
Sinabi ng kongresista na kinausap na ng kanyang opisina ang Department of Foreign Affairs (DFA) tungkol sa sitwasyon ni Belbes gayun din ang iba pang Pinoy sa Syria na sina Noemi Morada, Rosalie Ronquillo, Janet San Jose, Nerissa Melendez, Venus Paula Quiroz, Zenie Binamira at Andrea Francisco.
Aniya, bukod kay Belbes, na walang dokyumento sa Syria at hindi mahagilap, lahat ng mga OFW na naiulat nila sa DFA ay ay nakauwi na ng Pilipinas.
Ayon kay Arroyo, natukoy na ng DFA ang eksaktong kinaroroonan ni Belbes.
“Let’s cross our fingers she can be home safely and be with her family within the week,” sabi ng kongresista.
- Latest
- Trending