Biyaheng Taiwan ni Abalos tuloy na!
MANILA, Philippines – Matutuloy na ang biyahe ni dating Commission on Elections (Comelec) chairman Benjamin Abalos Sr. matapos siyang payagan na rin ng isa pang korte sa Pasay City na makalipad patungong Taiwan upang mamili ng mga bangus para sa kanyang palaisdaan.
Sa dalawang-pahinang resolusyon, pinayagan ni Judge Eugenio dela Cruz ng Pasay City Regional Trial Court Branch 117 si Abalos na lumipad patungong Taiwan dahil nakapagpakita naman umano ang dating opisyal ng sinseridad na hindi niya tatakasan ang kaso sa bansa.
Nahaharap sa 11 counts ng electoral sabotage case si Abalos sa sala ni Dela Cruz.
Bago makabiyahe patungong Taiwan, kailangan ni Abalos na maglagak ng P110,000 na travel bond.
Nitong Lunes ay pinayagan din si Abalos ng Pasay City RTC Branch 112 ni Judge Jesus Mupas na makapunta ng Taiwan.
Nahaharap din si Abalos sa kasong electoral sabotage sa naturang korte kasama si dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo.
Bukod sa dalawang mababang hukuman, pinayagan na rin si Abalos ng Sandiganbayan Fourth Division na makalipad patungong Taiwan.
Nahaharap naman si Abalos sa kasong graft sa naturang korte.
- Latest
- Trending