Sugatang mga Pinoy sa Louisiana blast bibisitahin ng kamag-anak
MANILA, Philippines – Inaasikaso na ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang paglipad sa Amerika ng mga kamag-anak ng mga Filipino na nasugatan sa pagsabog ng isang oil platform sa Louisiana.
Sinabi ng DFA nitong Martes na binigyan na nila ng pasaporte ang mga kamag-anak ng mga biktima noong Lunes. Nakikiusap na rin ang ahensya sa embahada ng Estados Unidos sa Maynila upang bigyan ang mga lilipad na kamag-anak ng visa.
Isang Pinoy ang namatay sa pagsabog at isa naman ang nawawala habang apat pang trabahador ang nasa ospital dahil sa matinding pagkalapnos ng katawan sanhi ng sunod.
Tiniyak ni Deputy Consul General Orontes Castro Jr. sa mga kamag-anak ng mga biktima na ang apat na Pinoy ay nakakatanggap ng tamang pag-aalaga at pansin sa Baton Rouge General Medical Center.
Dumating noong Lunes ang Philippine Ambassador sa Washington na si Jose Cuisia sa New Orleans, Louisiana upang alamin ang kondisyon ng mga nakaligtas na manggagawang Pinoy.
Aasikasuhin din ni Cuisia ang pagpapauwi sa bangkay ng namatay na si Elroy Corporal, 42, at tututukan ang paghahanap sa nawawalang pang Pinoy.
- Latest
- Trending