2 lalaki namaril sa PDEA-CDO tiklo
MANILA, Philippines - Tiklo ang dalawang lalaki dahil sa pagpapaputok ng baril sa opisina ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Cagayan de Oro City ngayong Miyerkules.
Sinabi ni PDEA Director General Arturo Cacdac Jr. na dinakip ng mga pulis ng Cagayan de Oro sina Achmad Sangcaan ng Barrio Green, Marawi City at Mark Bryan Basco ng San Jorge Street, Barangay Perfecto, San Juan City, nang paputukan nila ang opisina ng Misamis Oriental Provincial Special Enforcement Team (PSET) ng PDEA.
Ayon kay Cacdac, nangyari ang insidente kahapon mga 1:15 ng hapon sa opisina ng PDEA-PSET sa may GA Pelaez Sports Complex, Cagayan de Oro City.
Lulan ng Mistubishi Montero ang mga suspek na bumalik pa at muling nagpaputok kaya naman napilitang lumaban ang mga taga-PDEA.
"They were heard hurling invectives and cursing at our agents, even threatening to kill them, while opening fire," sabi ni Cacdac.
Naaresto ang dalawang supek sa parking lot ng isang hotel at narekober ang tatlong bala ng .45 caliber pistol, dalawang magazine, at tsapa ng pulis sa kanilang sasakyan.
Base sa imbestigasyon , ang mga suspek ay may laging binibisitang preso na nakilalang si Walid Ansao,33, na diumano’y nagmamay-ari ng isang drug den at naaresto sa isang buy-bust operation noong Setyembre 3.
"We have every reason to believe that these men are close contacts of Ansao who are trying to harass and intimidate our agents," ani Cacdac. Dennis Carcamo
- Latest
- Trending