GULAT na gulat si Hiyasmin nang makapasok sa bahay at sinalubong ng yakap ng nanay ni Dax. Ang tatay ni Dax ay nakatingin lamang pero halatang masaya rin sa pag-graduate ni Hiyasmin.
“Congratulations Hiyasmin! Napakatalino at napakahusay mo! Magna cum laude!’’
“Salamat po Nanay at Tatay! Sinorpresa po ninyo ako!’’
“Sabi kasi ni Dax ay hindi raw makakarating ang mama mo kaya sinorpresa ka namin. Nagluto ako ng mga ulam para may pagsaluhan tayo. Kailangang iselebreyt ang pagtatapos mo na may mataas na karangalan. Bihirang mangyari ang ganito.’’
“Salamat po sa inyo!’’
“Halina kayo sa mesa. Nakahanda na.’’
“Dahil sa akin, napagod ka Nanay.”
“Okey lang ‘yun. Kaya ko pa namang magluto.’’
“I love you Nanay!”
“Love you too.’’
Naupo na sila at kumain. Magkatabi sina Dax at Hiyasmin.
“Tikman mo lahat ang niluto ko, Hiyasmin at sabihin mo sa akin kung masarap.’’
“Kahit hindi ko pa natitikman, Nanay, sa tingin pa lang masarap na.’’
Naglagay si Hiyasmin ng pagkain sa plato. Tinikman.
“Ang sarap nga Nanay!’’
Ngumiti ang nanay.
“Ikaw Dax kumain ka na rin. ’’
Naglagay sa plato si Dax. Tinikman.
“Hmmm, sarap nga!’’
Kumain sila. Masayang nagkuwentuhan.
Pagkatapos kumain, nagtanong si Nanay kay Hiyasmin.
“E di aalis ka na rito Hiyasmin? Graduate ka na e. Malulungkot ako kapag aalis ka rito. Sana huwag ka munang umalis.’’
“Hindi ako aalis dito, Nanay. Forever na ako rito!’’
Hindi makapagsalita ang matanda sa pagkabigla.
Itutuloy