Alakdan (130)

“GUSTO kong malaman ni Kreamy na siya ang da­hilan kaya ko inaaway ang magaling niyang ama. Gusto kong ipamukha na kung hindi binuntis ng asawa ko ang kanyang inang DH ay hindi magkakaloko-loko ang buhay namin. Mula nang malaman ko na ang bata niyang inampon ay anak pala niya, nawala na sa direksiyon ang buhay ko. Hindi ko alam kung paano pa manunumbalik ang dati kong buhay. Masakit talaga ang ginawa sa akin ng asawa ko, napakasakit!”

“Pero hindi sana si Krea­my ang ginagantihan mo dahil wala naman siyang kasalanan,” sabi ni Troy. Seryoso.

“Andiyan ka na naman. Lagi mong pinagtatanggol si Kreamy.”

“Kawawa naman kasi siya. Hindi naman siya ang nagkaroon ng kasalanan sa iyo kundi ang asawa   mo e bakit siya ang gina-gantihan mo?”

“Aywan ko sa’yo! Baha­la ka kung ano ang gusto mong sabihin sa Kreamy na yun. Buwisit!”

“Hindi mo sana siya ki­nawawa,’’ sabi pang hindi napigilan ni Troy.

Tiningnan siya nang masama ni Mayette. Galit. Pero hindi na natatakot si Troy kay Mayette. Ngayong nabisto na niya ang nakaraan nito, tingin niya ay mumurahing babae. Hindi dapat igalang ang babaing ito. Kung aawayin siya nito, aalis din siya ngayon din at bahala na ang susunod. Hindi na siya natatakot.

Pero hindi siya inaway ni Mayette. Bigla itong umalis. Ibinagsak nito ang pinto. Kumalabog.

Walang epekto kay Troy ang ginawa ni Ma-yette. Sana ay inaway siya para mabilis siyang magpasya.

Natulog muli siya. Kulang pa siya sa tulog.

LUMIPAS ang isang ling­go at wala na silang komunikasyon ni Mayette. Okey lang sa kanya. Sana nga, huwag na siyang gam-balain pa nito. Puwede na rin siyang umalis sa bahay na ito. Mabuti ngang hindi na sila magkita at mag-usap.

Pero nagkamali si Troy. Isang tanghali, natutulog si Troy nang gambalain siya ni Mayette. May dalang pagkain. Nakangiti. Nakikipag-ayos.

“Etong pagkain, Troy. Alam ko nagugutom ka na.”

(Itutuloy)

Show comments