May Isang Pangit (65)

UMAGA. Nag-aalmusal sina Tibur at Alice nang biglang makaramdam ng pagkahilo ang babae. Napahawak kay Tibur.

“Nanlalamig ang kamay mo, Alice. Anong nangyayari sa’yo.”

“Parang nahihilo ako at naduduwal.’’

Nabahala si Tibur. Dinama ang noo at pisngi ni Alice.

“Pinagpapawisan ka.’’

Saka nagpaalam si Alice na tutungo sa comfort room.

“Teka at sasamahan kita,” sabi ni Tibur at ina­lalayan ang asawa sa pagtayo at saka inakay patungo sa CR.

Pagpasok sa CR ay agad naduwal. Na-shoot sa inidoro ang isinuka na pawang tubig lang naman. Dumuwal uli pero ganundin. Hinagod ni Tibur ang likod ng asawa. Alalang-alala si Tibur. Tawagan na kaya niya si Ate Rosa. Naaawa siya kay Alice. Baka kung ano na ito.

“Naduduwal ka pa?”

“Hindi na pero nahihilo pa rin ako Tibur.’’

“Tatawagan ko si Ate Rosa.”

Inalalayan ni Tibur ang asawa patungo sa kanilang silid. Inihiga. Nataranta na si Tibur. Hindi malaman kung ano ang gagawin. Kinuha ang cell phone at tinawagan si Ate Rosa.

“Ate Rosa, puwede punta ka muna dito sa bahay, kasi ma­sama ang pakiramdam ni Alice­. Nahihilo at naduduwal.’’

“Okey sige. In ten minutes andyan na ako. Huwag magpanic.”

Pinuntahan ni Tibur ang asawa.

“Alice, anong pakiramdam mo?”

“Nahihilo pa rin. Pero hindi na ako naduduwal.’’

“Parating na si Ate Rosa.”

Eksaktong ten mi­nutes ay eto na si Ate Rosa.

“Nahihilo ka pa?” tanong kay Alice.

“Medyo Ate.”

Nag-isip si Ate Rosa.

“Ilang buwan na kayong kasal?”

“Mahigit dalawang buwan, Ate,” sagot ni Tibur.

Napangiti si Ate Rosa.

“Palagay ko buntis ka. Mabuti pa, Tibur dalhin mo kay Doc si Alice para makasi­guro. Pero ako, posi­tibong buntis.’’

Nagmamadaling dinala ni Tibur si Alice sa doctor. (Itutuloy)

Show comments