“AKALA ko hindi mo kami maaalalang dalawin, Tibur. Baka masyado ka nang nagtampo dahil sa mga masasamang nangyari sa iyo rito,” sabi ni Tiya Encar.
“Hindi naman po Tiya Encar. Ang nakaraan ay nakaraan na. Mahirap din kasi ang may inaalagaang galit sa dibdib. Baka magkasakit sa puso.’’
“Ay oo. Totoo ang sinabi mo Tibur.”
“Napatawad ko na ang mga nang-api sa akin, Tiya Encar. Hindi ko na inaalala pa ang mga masasamang nangyari.”
“Kaya pala ang tingin ko sa iyong mukha ay maaliwalas.”
“Ibig sabihin ay hindi na ako pangit, Tiya.”
“Hindi ka naman pangit, Tibur.”
“Dahil sa sinabi mo Tiya Encar, bibigyan kita ng dollar. Sige ulitin mo pang sabihin na hindi ako pangit at magsasawa ka sa ibibigay kong dollar.”
Napahagikgik si Tiya Encar.
“Talaga bang ikaw ay mayaman na Tibur?”
“Masama naman ang magsinungaling, Tiya Encar. Oo, mayaman na ako.”
“Tingnan mo nga naman ang suwerte. Nababaliktad ang buhay ng tao. Huwag mo nga namang mamaliitin ang isang tao at baka dumating ang panahon ay mas matagumpay pa sa’yo.”
“Tiyaga at sipag din ang puhunan Tiya Encar kaya ko naabot ang ganitong kalagayan. Tapos sinasamahan ko ng pagdarasal at pagtitiwala sa sarili. Mapagkumbaba lagi. Ganun lang, Tiya ang aking sekreto.’’
“Sabagay noon pa man ay masipag at matiyaga ka na at saka mabait ka.”
“Pero bago ko naabot ang kalagayang ito e marami rin akong pinagdaanang hirap. Hindi basta nakamit ko. Pinaghirapan ko rin talaga.”
“E teka nga pala sino ang kasama mo sa pag-uwi dito sa Pilipinas.”
“Ako lang Tiya Encar.”
“Nasaan ang pamilya mo?”
“Nasa Australia. Hindi kami maaaring magsabay umuwi dahil sa aming negosyo.”
“Ano ba yang napangasawa mo, Australyana?”
“Pilipino rin Tiya Encar.”
“Ah, ‘kala ko Australyana.”
“Matagal na sila sa Australia. Nag-migrate sila roon noong 1980 pa. Alam mo, siya ang dahilan kung bakit ako yumaman nang ganito. Sobrang suwerte ko sa aking asawa. Inibig ako sa kabila ng aking itsura.”
“Ang ganda pala ng istorya mo.”
“Maganda talaga, Tiya. Hayaan mo at ikukuwento ko sa inyo.’’
“Teka bago tayo magkuwentuhan ay kailangang makapaghanda ng masarap na pagkain. Ano bang gusto mong pagkain, Tibur?”
“Magluto ka ng adobong manok sa gata, Tiya. Yung manok na Tagalog. Matagal ko nang gustong makakain ng manok na Tagalog. Tapos mamaya, e magluto ka ng sinugno o kaya ay sinulbot.”
“Sige iluluto ko lahat.”
“Dollar ang ibabayad ko sa mga lulutuin mo, Tiya Encar.”
(Itutuloy)