NASA college na si Trev ng mga panahong iyon na nagkita sina Thelma at ang manunulat na si Trevor Buenviaje. Totoo ang kasabihang maliit ang mundo. Ang totoo’y wala na sa isipan ni Thelma ang manunulat na isang beses nakatalik at nagdulot sa kanya ng anak. Nakasentro ang atensiyon niya kay Trev na noon ay kumukuha ng political science sa isang malaking unibersidad. Ayaw na nga niyang balikan pa ang nakaraan nila sapagkat maaari lamang makapagdulot ng kalituhan, pero siguro’y iyon ang nakatakdang mangyari sa kanila ni Trevor Buenviaje – nagkita ng hindi sinasadya.
Dahil nasa Maynila na si Trev, naging madalas ang pagluwas ni Thelma para maasikaso ang anak. Sa bahay ni Ara sa Earnshaw St. nakatira si Trev. Malaki ang bahay ni Ara na nakatayo sa humigit-kumulang na 100 square meters lot. Nabili raw niya iyon sa dati niyang boss na nagmigrate na sa Australia. Mura lang daw.
Inaabot ng ilang araw si Thelma sa Maynila para lamang asikasuhin ang anak. May pagkakataon pa na sinasabi ni Trev sa ina na huwag itong mag-alala at maayos naman ang lagay niya. Parang pangalawang ina na niya si Ara.
Minsan, ay nanggaling sa Binondo si Thelma. Inanyayahan siyang mag-lunch ng dealer ng motorcycle parts. Kumain sila sa isang sikat na restaurant sa Escolta.
Pauwi na si Thelma nang ipasya niyang magdaan sa Carriedo para ibili si Trev ng kastanyas. Paborito ni Trev ang kastanyas.
Nakabili na siya ng kastanyas at naglalakad patungo sa sakayan ng dyip sa may R. Hidalgo nang isang lalaki ang nakita niyang nakatayo sa may tindahan ng mga camera. Nagkatinginan sila ng lalaki. Pero binawi niya ang pagkakatingin at saka ipinagpatuloy ang paglalakad.
Pero kutob niya sinusundan siya ng lalaki. Nang lingunin niya, sinusundan nga siya!
(Itutuloy)