Thelma (84)

HINDI na raw natapos ang problema kay Judith. At ayon pa kay Caloy, mas lalo pang dumami nang mamatay ang kanyang asawa. Ang akala niya, wala nang magiging problema kay Judith mula nang kunin nito ang mana pero lalo lang palang lumaki. At pakiramdam ni Caloy, gusto pang humingi uli si Judith.

“Parang gusto pa niyang humingi. Sa tono ng pananalita ay hindi raw pantay ang hatian kaya dapat meron pa siyang kunin. Sinabi niya sa akin noong ako naka-confine sa ospital --- noong saksakin ako ng amok. Hindi naman deretsahang sinabi pero malakas ang kutob na iyon ang gusto niyang sabihin.”

“Sinabi niya iyon kahit nakaratay ka?”

“Oo.”

“Naalala ko nga pala, masama ang tingin niya sa akin noong magkita kami sa ospital. Para bang ayaw niya akong padalawin. At saka para bang sinisisi niya ako kaya ka nasaksak ng amok. Kung hindi ko raw hinayaan si Trev sa labas ng tindahan e hindi ito maho-hostage.”

“Hindi ko alam yun, Thel.”

‘‘Tulog ka nang mangyari iyon. Nagpaalam na nga agad ako kahit na sasandali pa lang kami ni Trevor.”

“Masama talaga ang ugali niya, Thel. Nakakahiya.”

“Kabaliktaran nga siya ni Ara. Napakabuti ni Ara. Wala akong masasabi sa kanya. Kung sana ay kasingbait ni Ara si Judith walang problema.”

“Iyan din ang nasabi ng asawa ko noon. Sana ay kasingbait ni Ara si Judith.”

Natigilan naman si Thelma. Nag-isip nang malalim.

“Anong naiisip mo, Thel?”

“Tungkol sa binabalak nating pagtatayo ng tindahan ng mga spareparts ng motorcycle. Hindi kaya maging problema natin si Judith, Caloy. Kinakabahan ako. Mabuti sana kung lagi kang nasa tabi ko. Paano kung wala ka? Baka kung anu-ano ang sabihin niya sa akin. Ayaw ko nang gulo Caloy.”

Napabuntunghininga si Caloy. Hindi malaman kung ano ang isasagot kay Thelma. Posibleng mangyari ang mga sinabi ni Thelma. Kilala niya si Judith. Pawang Diyos ang lumalabas sa bibig pero pakitang tao lamang iyon. Parang kampon ni Satanas ang anak niya.

“Huwag na kaya nating ituloy ang balak, Caloy.”

“Hindi! Itutuloy natin ang balak. Huwag kang matakot, Thel at ako ang bahala. Babantayan kita sa anak kong kampon ng dilim.

Itinuloy nila ang plano. Isang tindahan ng motocycle parts ang kanilang itinayo. At unang araw pa lamang ay nagpapakitang magtatagumpay ang negosyo. Dagsa na ang customer nila.

(Itutuloy)

Show comments