HABANG nagtitinda si Thelma ay nilalaro naman ni Mang Caloy ang kanyang anak na si Trev. Tuwang-tuwa si Trev sapagkat kung anu-ano ang mga ginagawa ni Mang Caloy. Nagsusuot babae pa kung minsan si Mang Caloy para lamang patawanin si Trev. Nakikipagtaguan din ang matanda kay Trev. Kung anu-ano pa ang ginagawa para lamang mapatawa si Trev. Habang nagtitinda si Thelma ay naririnig niya ang malakas na pagtawa ni Trev. Noon lamang niya narinig ang pagtawa ni Trev. Buhay na buhay at mataginting ang pagtawa ni Trev. Nasisiyahan si Thelma sa ginagawa ni Mang Caloy.
At napapansin ni Thelma na tuwing umaga ay nagmamadali si Trev para makarating sa tindahan. Gusto raw kasi niyang makita si Papa Caloy.
“Sinong nagturo sa iyo na Papa Caloy ang itawag sa kanya?”
“Si Papa Caloy po, Mama. Bakit po?’’
‘‘Wala Trev.’’
‘‘Ang bait po ni Papa Caloy, Mama.’’
‘‘Lagi ka kasing nilalaro.’’
“Opo.’’
“Ngayon daw po ay may ibibigay siya sa akin.”
“Ano naman yun?’’
“Hindi ko po alam. Basta ngayon daw.’’
Kaya pala atat na atat si Trev sa pagtungo sa tindahan ay merong inaasahang regalo mula kay Papa Caloy niya.
Nang dumating sila sa tindahan ay agad na pumasok si Trev sa loob at hinanap si Mang Caloy. Saka muling lumabas.
‘‘Mama binigyan ako ni Papa Caloy ng bisikleta! Ang ganda, Mama!’’
‘‘Magtenkyu ka, Trev.’’
‘‘Nagtenkyu na ako, Mama!’’
Minsan naman ay mga robot at kotse-kotsehan ang regalo ni Mang Caloy. Tuwang-tuwa si Trev. Lalo pa itong napalapit kay Mang Caloy. Gusto nga ay huwag nang umuwi at sa tindahan na lang siya kasama ng Papa Caloy niya. Pero pinagalitan ni Thelma si Trev. Umiyak si Trev.
Nakasaklolo agad si Mang Caloy. Tinanong kung bakit umiiyak.
‘‘Gusto kong dito na tumira, Papa Caloy. Ayaw ni Mama. Papa Caloy, sabihin mo kay Mama na dito ako titira.’’
Nakiusap si Mang Caloy.
‘‘Thelma payagan mo na. Nasasabik lang ang bata. Gusto niyang makipaglaro. Kahit ngayon lang gabi. Hindi naman siya maaano rito.”
Pero tumanggi si Thelma.
“Baka kung ano ang mangyari. Gusto ko laging kasama ang anak ko. Halika na, Trev!” (Itutuloy)