NAABOT na ng isip ni Thelma kung bakit kuwadrado ang butas sa pader. Kinukunan siya ni Mang Caloy habang nasa banyo. At sa palagay niya ay marami nang nakuhang picture o video si Mang Caloy. Hayup na matanda.
Tiyak na nakunan ang paliligo niya noong minsang mabasa siya ng ulan. Kaya pala may naririnig siyang kaluskos. Kaya pala pakiramdam niya ay may nakatutok sa kanyang “hiyas”. Bukod sa matatakaw na mata, mayroon pang cell phone na nagrerekord ng kanyang “iniingatang hiyas”. Pinagsawaan na pala ni Mang Caloy.
Hindi na nga pala niya kailangang painan ng panty si Mang Caloy para lamang mahuli. Sapat na ang nabisto niyang butas para matiyak na si Mang Caloy nga ang naninilip at nagnakaw ng panty niya. Wala nang iba pang gagawa niyon kundi si Mang Caloy.
Kukumprontahin na niya ang matanda sa pagbalik nito. Wala nang makakapigil sa kanya. Hindi na siya natatakot kung mawalan man siya ng trabaho. Tama ang kanyang Ate Marie na marami pang ibang papasukan. Hindi siya dapat matakot. Handa na siyang harapin si Mang Caloy. Dapat nang matapos ang ginagawa nito sa kanya.
Ibinalik ni Thelma ang plastic na cabinet sa da-ting posisyon. Inayos din ang mga drawer na may lamang mga panty. Parang walang nabago matapos maibalik sa dating posisyon.
Nagbalik siya sa ginagawa sa tindahan. Pero kahit na mayroong inaasikasong customer, ang problema kay Mang Ca- loy ang nasa isip niya. Hindi ito pangkaraniwang problema lang.
Hindi na niya ikukuwento sa kanyang Ate Marie ang natuklasan. Baka kung ano lamang ang ipayo nito ay masira ang plano. Basta pagbalik ni Mang Caloy, kukumprontahin na niya. Laban na talaga. Wala nang atrasan.
KINABUKASAN, maagang pumasok si Thelma. Nasa tindahan na si Mang Caloy. Nang pumasok si Thelma sa opisina nito ay nakatingin sa kanya si Mang Caloy. Parang alam na nito ang mga gagawin ni Thelma.
(Itutuloy)