Takaw (122)

KINABUKASAN, ma­agang-maaga ay dinalaw ni Trevor ang libingan ni Mam Mina. Siya lamang ang dalaw doon. Tahimik na tahimik ang kapali­giran. Nakita niyang sariwa pa ang bulaklak na nasa puntod. Umusal ng dalangin si Trevor. Hiniling niya na sana’y mapayapa na ang kinaroroonan ni Mam Mina.

Kalahating oras doon si Trevor. Nakatayo lang at nakatitig sa lapidang nakalutang sa lupa. Nang masakit na ang init sa balat­ ay ipinasya na ni Trevor na umalis na.

Habang papalayo sa libingan ay natanggap na ni Trevor ang lahat. Wala na nga si Mam Mina at kaila­ngan na niyang kumilos para sa kanyang sarili. Ngayon niya dapat pagsikapang matapos ang pro­yektong sinimulan. Ngayong nagwakas na ang relasyon nila ni Mam Mina, dapat na niyang simulan ang bagong yugto ng kanyang buhay. Mayroong iniwan si Mam Mina ay ito ang dapat niyang gawin.

Mabubuo na ang koleksiyon ng kuwento at ito ay ang tungkol sa kanilang kuwento ni Mam Mina.

Nang dumating sa bahay, ganadung-ganado na si Trevor. Inumpisahan na niyang isulat ang hu­ling kuwento na bubuo ng kanyang koleksiyon. Natatandaan niya na si Mam Mina ang namumroblema kung paano matatapos ang koleksiyon ng kuwento ni Trevor. Nangako pa ito na kapag tapos na ang kuwento ay siya ang bahala sa pag-iimprenta. Huwag daw mag-aalala si Trevor.

Magdamag na sinulat ni Trevor ang huling kuwento. Nagtaka si Trevor kung paano niya natapos ang kuwento nang ganoon kabilis. Pakiramdam niya may tumutulong sa kanya habang sinusulat ang kuwento na bubuo sa “TAKAW” .

Ni hindi nga siya nakadama ng antok at pagod. Sa iba pang mga kuwento na sinulat niya, inabot siya ng ilang linggo bago magtapos. Tinatamad siyang sulatin ang mga naunang kuwento. Itong kuwento nila ni Mam Mina, labis ang kanyang pagtataka sapagkat inspirado siya.

Nang matapos ang kuwento. Pinasadahan niya ng basa. Super ang ganda.

Kinabukasan, habang ipini-print ang koleksiyon ng “Takaw” may tumawag na babae.

(Tatapusin na bukas)

Show comments