Takaw (65)

IBINIGAY ni Mam Mina ang contact number kay Trevor Buenviaje. Isinulat sa isang kapirasong papel.

“Salamat Mam,” sabi ni Trevor at ipinamulsa ang kapirasong papel.

Ganoon lang. Wala na silang napag-usapan o napagkuwentuhan pa ni Mam Mina. Nakita niyang sa buong biyahe ay natulog si Mam Mina. Pakiramdam niya ay pagod na pagod ito.

Biyaheng Cubao ang nasakyan nila. Sa Farmer’s bababa si Trevor. Mula Cubao ay sasakay siya ng dyipni sa may Aurora Blvd. Si Mam Mina ay sa Kamuning.

“Sige Mam,” sabi ni Trevor.

“Salamat, Trevor. Tawagan mo ako kapag tapos na ang project mo.”

Tumango si Trevor.

Balik sa kanyang tirahan si Trevor. Nag-iisa na naman siya at maghahanap na naman ng maidadagdag na kuwento sa kanyang koleksiyon. Maghahalungkat na naman siya sa Archive. Pero kung maaari pipilitin niyang makapaghanap ng kuwento na nangyari sa isang mala-yong lugar gaya ng nangyari sa Batangas at Laguna. Mabuti rin yung nakakalayo siya para makahinga-hinga naman siya mula sa magulong siyudad.

Naalala niya ang nangyari sa Laguna kung saan pati ang asawa ng traysikel drayber ay nagkaroon ng bahagi sa kanyang buhay. Akalain ba niyang naghahanap pala ng makakaulayaw ang asawa ng traysikel drayber. Saglit na inisip ni Trevor ang nangyari sa kanila ni Thelma. Uhaw na uhaw si Thelma. Parang disyerto na hindi dinidiligan. Nang madiligan naman ay nag-umapaw. Naalala niya na nalimutan niya ang key chain kina Thelma.

Ganoon sanang kuwento ang mapulot niya. Exciting. Hindi akalain. Hinahanap-hanap tuloy niya. Ano kaya at puntahan niya si Thelma. Pero pinigilan niya ang sarili. Delikado siya sa asawa ni Thelma. Baka madisgrasya siya.

Ngayon ay wala siyang maisip kung paano mada-dagdagan ang koleksiyon ng “Kuwentong Kalaguyo”. Kulang pa ito para mailathala.

Nang maalala niya ang papel na sinulatan ni Mam Mina. Hinanap niya sa bulsa. Nakita.

Aywan kung bakit naisipan niyang idayal ang number ng landline.

“Hello?” babae ang nakasagot.

Ibinaba niya. Bakit nga ba niya tatawagan si Mam Mina. Hindi pa naman tapos ang koleksiyon.

Nakatingin sa kisame si Trevor. Wala siyang maisip.

(Itutuloy)

Show comments