Takaw (54)

PATULOY pa rin si Lola Imang sa pagkukuwento ng buhay ng kapatid na si Dinoniso at nasasabik naman si Trevor Buenviaje. Pakiramdam ni Trevor, lumalapit na sa climax ang kuwento. Sa hula ni Trevor, nasa loob din ng banyo si Alex at mayroon silang ginagawa ni Lolit. Paano’y narinig umano ni Lola Imang na may mga kaluskos sa loob at may naririnig din siyang hingasig o halinghing. Hindi nga lamang daw niya mapiho dahil nangingibabaw ang bagsak ng tubig mula sa gripo. At sa wari ni Trevor, kaya inilalakas ang pagbukas ng gripo ay para hindi marinig kung ano ang ginagawa sa loob.

At akalain ba ni Trevor na nagkakaisa pala ang hula nila ni Lola Imang. Nasa loob ng banyo si Alex at may ginagawa sila ni Lolit.

“Iyan ang hula ko, Trevor. Ayaw ko sanang paniwalaan pero malakas ang aking paniwala na talagang bukod kay Lolit ay mayroon pang ibang tao sa banyo. Ay talaga ako ay kinukuribdiban. At ano pa ba ang gagawin nila kung halimbawa nga at si Alex ang kasama. Ay baka nagpapandale nang dumating ako. Matagal bago sumagot. At nang sumagot ay para bang ingat na ingat. Hula ko ay baka nakapasok na…. ang… kuwan….ni Alex sa ano ni Lolit…”

Napatawa si Trevor sa sinabi ni Lola Imang. Ito lang ang gusto niya sa matanda, kung magkuwento ay wala nang pinangingilagan. Sasabihin ang nasa loob. Wala nang pangimi.

“Tapos nga ay nang ma­laman ko na hindi naman pala nagpunta sa kaingin si Alex gaya ng sabi ni Dio­nisio ay talagang naniniwala na ako na magkasama sila sa loob ng banyo at nagkakangkangan. Nagsinungaling si Lolit. Ala ay masama palang babae…”

“Hindi n’yo po ba sinabi ang inyong hula kay Dio­nisio. Kahit na pabiro, hindi n’yo ginawa?”

“Naku Diyos ko, hinding-hindi. Ayaw kong sa akin manggaling ang lahat. Bahala siyang dumiskubre sa ginagawa ng asawa niya. Diyos ko, bakit kaya si Alex pa ang kinursunada ni Lolit. Talaga sigurong puta ang babaing iyon at kahit na ang batambata pang si Alex ang tinikman…”

“Sabi ninyo wala kayong alam kung saan nakuha ni Dionisio si Lolit.”

“Wala nga. Hindi naming alam kung saan nakuha. Baka sa cabaret.”

“Baka po sa beerhouse, Lola Imang.”

“Oo dun nga. Cabaret kasi ang uso noon.”

“Pero hindi n’yo po nakita sa akto ang ginagawa ng dalawa, Lola Imang?”

“Iyan nga ang parte na talagang ako ay labis na nanindig ang balahibo. Nahuli ko silang dalawa. Pero sinarili ko na lang. Walang ibang nakaalam. Ikaw lang ang pinagsabihan ko nito. Nagsisi nga ako kung bakit hindi ko pa sinabi agad kay Dionisio para nakapag-isip. Kasi nga ay ayaw kong sa akin manggaling ang kuwento. Natatakot ako sa maa­aring mangyari…e ganun din pala ang kalalabasan.”

(Itutuloy)

Show comments