“INILIBING daw po si Papa na hindi na dinalaw ng mommy nito. Pero sabi ni Mama ay mabuti na nga raw na hindi nagtungo uli roon si Misis Chan. Kasi raw po ay baka hindi na siya makapagpigil ay kung ano lamang ang masabi. Kasi raw po kung pupunta at hindi uli siya papansinin ay baka tuluyan nang mawala ang respeto niya. Ayaw din naman niyang maghirap ang kaluluwa ni Papa sa kinaroroonan nito. Alam ni Mama na noong nabubuhay pa raw si Papa ay umaasang isang araw ay tatanggapin ito ng mommy niya at kasama kami ni Mama. Nakamatayan ni Papa ang pag-asam na iyon.
“Para malimutan ang pagkamatay ni Papa, iti-nuon ni Mama ang sarili sa pagpapatakbo ng negosyo. Siguro raw kaya siya sinanay ni Papa sa pagpapatakbo ng negosyo ay dahil may premonisyon nang mamamaalam. Si Mama ang nagtutungo sa Maynila para kumuha ng order. Siya ang nakikipag-usap sa mga dealer na Intsik. Sanay na sanay si Mama. Maayos niyang napatakbo ang mga negosyong naiwan ni Papa. At hindi naman niya nakalimutan ang mga paalala ni Papa para magtagumpay sa negosyo. Unang-una na ang mahusay na pakikitungo sa mga empleado at katulong sa shop.
“At dahil sa mahusay na pamamahala, lalo pang lumobo ang negosyo na naiwan ni Papa. Ang LAUVIAH’S BOLTS and NUTS ang itinuring na pinakamalaki at pinakamaunlad na negosyo sa probinsiya namin. Yumaman kami. Nalampasan namin ang iba pang negosyo. Nakabili ng mga ari-arian si Mama. Nakabili rin ng mga sasakyan at iba pa.
“At kung gaano kaunlad ang negosyo ni Mama, kabaliktaran naman ng nangyari sa negosyo ni Misis Chan. Nalugi nang tuluyan. Dapang-dapa. Hanggang sa bumalik sa pagiging mahirap— mahirap pa sa daga.
“Ang hindi inaasahan ni Mama ay ang pagdalaw ni Misis Chan sa bahay. Isang araw daw iyon na si Mama ay abala sa paghahanda sa aking pagpasok sa school. Natatandaan ko na ang tagpong iyon. Si Misis Chan ay tila nagmamakaawa sa aking Mama.” (Itutuloy)