“KAPAG ang napili mong lalaki ay katulad ng namayapa kong asawa, pinakamapalad kang babae sa balat ng lupa. Wala talagang makakapantay sa asawa kong si Noli…”
“Sana ay may kapatid pa si Kuya Noli, Ate.”
“Nag-iisa siya, Kelly Walang ka duplicate, he-he!” Napahagikgik na rin si Kelly.
“Ikaw ba e may siyota na Kelly?”
“Wala pa po, Ate. Siguro, magnonobyo lamang ako kapag nakatapos na ng Medicine ang kambal.”
“Okey lang naman na magsiyota basta lang huwag lalampas sa limitasyon.”
“At saka po, wala akong nakikitang nagpaparamdam, dito sa Nagcarlan. Wala yatang gustong makatipo sa akin.”
“Meron diyan. Hindi ka lang kasi mahilig lumabas.”
“Sabagay nga Ate. Maski si Angela nga po ay wala ring boyfriend.”
“Kapag Linggo na day-off e lumabas naman kayong dalawa ni Angela. Masama naman yung lagi kayong narito sa bahay.”
“Salamat Ate.”
MULA noon ay nakadama ng lubos na kasiyahan si Lorena sapagkat ang lahat ng kanyang “isinalba” ay mayroong mga hinahangad sa buhay. Hindi man para sa kanilang sarili ay para naman sa kanilang kapatid. Lahat ay mayroong tinatahak na maayos na landas. Nakasisiguro si Lorena na darating ang araw ang kanyang mga “isinalba” ay bubuti ang buhay at magiging katulad din niya ang kapalaran.
Lumipas pa ang mga taon. Maunlad na maunlad na ang mga negosyo ni Lorena. Ang kanyang anak na si Edel ang nag-ooperate. Mapagkakatiwalaan ang mga tauhang humahawak ng negosyo na kinabibilangan ni Encar at Nado. Maunlad na rin ang kabuhayan ni Pau at asawang si Brent sa Mindoro. Nakatapos na ng pag-aaral sina Lea at Ara. Si Lea ay nagtuturo na at si Ara naman ay Head Food Tech sa company ni Lorena.
Si Angela ay superbisor na sa company ni Lorena. Ang kambal na kapatid ni Kelly ay nasa Maynila at nag-aaral ng Medicine. Patuloy naman ang komunikasyon ni Lyra mula sa Australia.
Hanggang sa mapansin ni Lorena na bakit wala yatang balak mag-asawa ang kanyang si Edel. Nasasabik na siya sa apo.
Gusto niya mag-asawa na si Edel at mag-anak nang marami para lalong mas masaya sa kanyang tahanan.
(Itutuloy)