NAGKASAMA-SAMA ang mga dating tindera sa pabrika ni Lorena. Pero kakaiba ang pakiramdam nila ngayong ang kumukupkop sa kanila ay isang babaing maunawain at mabait. Hindi tindera ang turing sa kanila ni Lorena kundi mga ‘‘kapatid’’.
‘‘Pau, huwag ka nang magtrabaho sa karnehan at baka mapaanak ka pa. Doon ka na lang sa pagbabalot ng skinless…” sabi niya kay Pau na noon ay kabuwanan na.
“Kaya ko pa Ate Lorena,” sagot sa kanya. Ate na ang tawag sa kanya ng mga ‘‘isinalba’’ at hindi na Lorena.
“Pakiramdam ko kasi lalabas na yan. Bilug-bilog na e.’’
“Sabi ni Doktora, kahit daw kabuwanan na e puwede pang magtrabaho Ate. Mabuti rin daw nababatak ang katawan para madaling lumabas ang bata.’’
‘‘Pero huwag mong pupuwersahin ang sarili. Ganyan din ang sabi ko kay Encar, dahil baka naman malaglag ang dinadala niya.”
“Palagay ko babae ang anak ko, Ate.”
“Bilog kasi ano?”
“Nung ipanganak mo si Edel, Ate anong hugis ng tiyan mo?’’
“Medyo patilos. Pag-tilos daw e lalaki.”
“Hindi kaya ako mahirapan, Ate?”
“Hindi. Madali lang ‘yan, Pau. Ako nang ipanganak si Edel e parang umebs lang. Dere-deretso ang labas.’’
Napahagikgik si Pau. Pagkatapos ay nagseryo-so na.
‘‘Ate paglabas ng baby ko, dito pa rin ako ha?’’
‘‘Oo naman. Sino ba ang maysabing hindi ka na rito titira pagkapanganak?’’
“Wala Ate.”
“Dito ka at ang iyong anak. Maski si Encar kahit manganak ay dito pa rin. Sama-sama tayo rito.’’
Pagkatapos payuhan si Pau ay si Encar naman ang kinausap niya.
‘‘Kung nahihirapan ka rito sa gilingan ng karne e doon ka sa pagbabalot ng skinless at tocino, Encar. Baka maapektuhan ang baby mo.’’
“Okey lang po ako Ate. Hindi pa naman ako nahihirapan dahil hindi pa gaanong malaki. Si Pau po ang dapat doon sa pagbabalot..’’
“Sinabihan ko na nga.’’
‘‘Pagkapanganak ko po Ate ay balak kong magtungo sa probinsiya. Iiwan ko muna ang baby ko sa’yo.’’
“Bakit ka naman uuwi?’’
“Gusto ko lang po makita ang mga kapatid ko. Yun pong huling pag-uusap namin, sabi ng kapatid ko, baka lumipat sila ng tirahan dahil pinaaalis na sila.”
“Sige basta sabihin mo lang sa akin para naipag-hahanda kita ng pera at saka ipasasalubong mo. Pero babalik ka ha?’’
“Opo Ate. Habambuhay na ako sa poder mo.’’
(Itutuloy)