PINAGMAMASDAN ni Lorena ang kanyang mga manggagawa sa production area. Dati ay dalawa lamang ang kanyang katulong sa paggawa ng skinless longganisa at ham. Pero ngayon ay sampu na. Pawang mga babae rin ang manggagawa niya. Ang lima ay may-asawa at mga anak na samantalang ang lima pa ay pawang mga dalaga pa. Binibigyan niya ng minimun na sahod at ipinagbabayad niya ng SSS. Nakakatulong siya sa mga babaing walang trabaho. Sabi ng kanyang anak na si Edel, kapag lumaki pa ang negosyo nila ay magdadagdag sila ng manggagawa. Hindi na raw kakayanin ng sampung babae ang trabaho. Pagsapit daw ng Disyembre, tiyak na marami ang oorder. Asahan na raw iyon. Naiimadyin na ni Edel ang dagsa ng mga parukyano kapag may mga okasyon.
Tama si Edel, kukula-ngin nga siya sa tao. Lalo pa ngayong idinagdag niya ang fishballs ay halos hindi na makaugaga ang mga tauhan.
Hanggang sa maisip niya si Lea at Pau. Kung matutupad ang balak niya, kukunin niya ang dalawa. Gustung-gusto na ni Lea na makaalis sa among mabagsik at manyakis. Tiyak niya, sasama sa kanya si Lea. Si Pau? Ewan niya. Kailangang malaman muna niya ang nangyayari kay Pau. Gusto niyang makausap ito nang masinsinan.
Kung papayag si Pau na magtrabaho sa kanya, malaki ang maitutulong niya, nailigtas na niya sa masungit na among babae ay nailayo rin sa “hayok sa laman” na amo. Hindi pa naman sana winawasak ng hayok na amo ang kasariwaan ni Pau.
Tama, hindi lamang si Lea at Pau ang kukunin niya. Kung papayag ang iba pang kasamahan ng dalawa, kukunin din niya. Hanggang sa maubos na ang mga tindera ng mabagsik na amo. Tingnan lang ang mangyayari sa kanila kapag wala nang tindera.
Isang linggo ang nakalipas at ubos na naman ang panindang fishballs ni Lorena. Hindi naman maaaring walang fishballs sapagkat ang laki ng kinikita niya rito. Tubong lugaw.
At dahil din kay Edel kaya tagumpay ang kanyang fishballs. Nagpagawa si Edel ng mga itinutulak na kariton ng fishballs. Makukulay na kariton. Iyon ang pinagamit niya sa mga fishball vendor. Libre. Pero ang kondisyon ni Edel, sa kanila bibili ng ititindang fishballs. Tagumpay. Iglap lang ay ubos ang tindang fishballs ng kanyang inang si Lorena. Kaunting puhunan lang pero malaki ang kita.
Nang maubos ang fishballs, nagtungo na naman sa Maynila si Lorena. Isa pa’y gusto niyang makibalita kay Lea at Pau. (Itutuloy)