Mahiwaga ang mga sinabi ni Ganda at gusto sanang malaman na ni Fred kung ano ang ibig sabihin niyon pero hindi niya napilit. Nasabik tuloy si Fred.
“Gusto ko tayong da lawa lang at walang makakarinig, Fred.”
Aprub sa kanya. Puwede siyang maghintay hanggang makarating sa Maynila.
Nang nasa Maynila na, nasagot ang mga katanungan ni Fred. At gustong magtatalon sa tuwa ni Fred. Kahit na nawasak na ang liblib ng Bgy. Luningning meron pa ring naiwang hindi wasak. Nasa kuwarto sila ni Ganda. Sila lang dalawa.
“Iningatan ko ang kabirhenan ko, Fred. Siguro talagang para sa’yo ito. Naniniwala ako na mahalaga ang pagiging birhen. Ipagkakaloob ko lang sa’yo ito kapag kasal na tayo. Anong masasabi mo Fred?”
“Gusto kitang halikan, Ganda. Puwede kahit sa pisngi lang?”
Pero si Ganda na ang gumawa niyon. Ito na ang kusang humalik sa labi ni Fred. Mariin. Matagal. Masarap.
Kapwa sila naghabol ng hininga. Ano itong ginagawa ni Ganda na lalong nagiging mahiwaga sa kanya.
“Hanggang diyan lang muna tayo, Fred. Iyan ay para lang malaman mo na handa akong magpakasal sa’yo. At pagnakasal na tayo saka mo lang makukuha ang kabirhenan ko…”
Humanga si Fred kay Ganda. Kakaibang babae. Ito ang babaing hinahanap niya.
Hanggang sa maalala niya si Precy, ang babaing nagtaksil sa kanya. Paano nga pala sila makakasal ni Ganda gayung kasal sila ni Precy? Ikinasal sila ng isang huwes. May bisa ang kasal na iyon.
Paano niya sasabihin kay Ganda ang problemang iyon? Ni hindi pa nga alam ni Ganda ang tungkol kay Precy.
Napansin ni Mulong ang pag-iisip ni Fred.
“May problema ka Kuya? Ikinuwento niya.
“Umaasa si Ganda na magpapakasal na kami sa susunod na buwan — sa birthday niya. Hindi ko alam ang gagawin. Mabibigo siya kapag nalaman na kasal pa ako sa babaing nagtaksil sa akin.”
“Mas maganda siguro, Kuya Fred e ipagtapat mo na sa kanya. Kaysa naman ililihim mo. Kung talagang mahal ka niya, mauunawaan ka.”
“May katwiran si Mulong.”
Handa nang ipagtapat ni Fred ang lahat kay Ganda. Pero isang araw, may lalaking dumating at hinahanap si Fred. Ang lalaki ay si Ricky.
(Itutuloy)