NANG magsara sila ng aroskalduhan ay gabi na. Kailangan namang magpahinga.
“Magpahinga ka na Ganda. Hindi ka dapat nagpapagod.”
“Okey lang ako, Fred.”
“Teka at aayusin ko ang kuwarto mo. Kakahiya naman sa iyo. Ibubukas ko na tuloy ang aircon.”
“Ay nakakahiya, Fred. Kayong dalawa ni Mulong ay hindi naka-aircon tapos akong nakikituloy lang dito e nasa malamig na kuwarto.”
“Oy hindi ka nakikituloy dito isa ka na sa may-ari ng aroskalduhan. Tayong tatlo na ni Mulong ang may-ari. Bilib ako sa masarap na puto mo, Ganda.”
“Hayaan mo at bukas ng umaga, isang masarap na namang puto ang ipatitikim ko sa kustomer. Baka lalo nang umapaw ang tao sa tindahan.”
“Palagay ko me agimat ka, Ganda.”
“Ano? Wala akong agimat.”
“E bakit napakaraming kustomer ang dumagsa rito kanina?”
“Kasi’y masarap ang aroskaldo mo at batsoy. Maski ako nasarapan eh.”
“Oo nga pero mula nang narito ka sa tindahan, nadoble ang mga kustomer. Umapaw talaga kanina. At ang laki ng benta natin. Ngayon lang ako nakabenta nang ganito kalaki. Meron ka sigurong iniingatang “mutya” Ganda.”
Napangiti lang si Ganda.
“Doon ba sa restaurant na pinagsilbihan mo, apaw din sa tao?”
“Oo. Halos wala akong tigil sa pagkuha ng order. Pagod na pagod ako roon.”
“E di ikaw nga ang may dala ng suwerte. Si-guro nga may “mutya” ka, Ganda. Aminin mo na.”
Umamin si Ganda.
“Meron nga, Fred. Ibinigay sa akin ni Lola Angela. Ingatan ko raw ang “mutya”. Mahusay daw sa negosyo. Lalapitan ng kustomer.”
“Sabi ko na nga ba. Saan daw nakuha ni Lola Angela ang “mutya” Ganda?”
“Sabi ni Lola, silang dalawa raw ni Lolo Amboy ang nakakita ng “mutya” sa Bgy. Maragooc. Nakuha raw nila sa puno ng kalamansi. Hinukay nila…inilagay sa puting panyo…”
“Iyon nga ang “mutya” Ganda. Bihira ang pinagkakalooban ng ganun. Bihirang makita ang “mutya”.
“Ayon kay Lola, kahit daw anong klaseng negosyo nagiging mabenta. Nilalapitan ng kustomer…”
“Puwedeng makita ang “mutya” Ganda?” (Itutuloy)