TAMA si Fred. Hindi maganda ang kalagayan ni Ganda at kailangan nito ng tulong.
“Tulungan mo ako!”
“Paano?”
“Gusto ko nang umalis dito.”
“Anong problema?”
“Baka may mangyari sa akin. Baka gahasain ako ng addict na lalaki rito.”
Natigilan si Fred. Naalala niya nang iligtas si Ganda at si Lola Angela sa dalawang lalaki noong nasa liblib pa sila.
“Ano ba yang tinitirahan mo?” “Dito sa isang bahay sa Bilibid Viejo. Katulong ako sa restaurant. May ilang buwan na rin ako rito. Natatakot ako sa anak na lalaki ng amo namin. Masama ang tingin sa akin.”
“Paano ka napunta riyan?”
“Mahabang istorya Mang Fred. Baka maubos ang load ng cell phone mo.”
“Hindi bale. Paano ka napunta rito sa Maynila?”
“Nang mamatay si Lola, wala na akong matakbuhan pa. Gulung-gulo na ang isip ko. Naisip ko hanapin ang nanay ko. Kahit na galit ako sa kanya, inunawa ko na. Mahalaga e meron akong kadamay.”
“Nakita mo ang nanay mo?’’
“Hindi. Namatay kasi yung babae na tutulong sana sa akin sa paghahanap kay nanay. Nakatira kami noon sa may Bustillos sa may National University. May cancer pala yung babae at namatay. Naiwan akong mag-isa. Namasukan akong helper sa restaurant, dito nga sa Bilibid Viejo.”
“Hindi ka pinasusuweldo?”
“Oo. Binibigyan lang ako ng kung magkano. Mahaba ang oras ng trabaho. Kasi may branch itong restaurant sa may Morayta. Kung minsan doon ako dinadala. Palipat-lipat ako.”
Nakadama ng awa si Fred kay Ganda. Kaya pala kakaiba ang itsura nito. Halatang problemado.
“Gusto ko na tumakas dito, Mang Fred. Pero hindi ko alam kung saan pupunta. Wala naman akong uuwian sa Bgy. Ningning. Kung sana ay buhay si Lola.”
“Kung tatakas ka, dito ka na lang sa akin tumira, Ganda. May negosyo akong kaunti. Puwede kang katulong ko…”
Pero hindi sumagot si Ganda sa sinabi ni Fred. Natahimik.
“Ganda! Ganda!”
Pero ayaw sumagot. Parang may taong pumasok. Maya-maya naputol na ang linya.
Kinabahan si Fred. Baka kaya pinasok si Ganda ng among adik? (Itutuloy)