May hiyas pa sa liblib(90)

MAAGANG nagising si Fred. Pero mas maaga pa pala sa kanya si Mu­long. Nakapagpakulo na ng tubig si Mulong at nakahanda na ang mug na inuman ng kape. Ma­aasahan talaga si Mu­long. All around si Mu­long. Ang anak ni Fred na si Kim ay sa bahay ni Melda natutulog. Tinu-tutor­ kasi ni Melda ang pamangkin. Kapag Sa­bado at Linggo lang na­tutulog sa bahay ni Fred si Kim.

“Magkape ka na Kuya.”

“Salamat.’’

Nagtimpla si Fred ng kape.

‘‘Kapag may naipon na ako, bibili tayo ng sa­sakyan, Mulong. Para hindi tayo nahihirapan sa pama­malengke. Kahit second hand na pick-up.’’

‘‘Nabanggit mo Kuya meron kang sasakyan noon.’’

“Oo. Pero iniwan ko na sa Socorro dun sa pinsan kong si Raul. Kakahiya namang bawiin.”

‘‘Oo nga Kuya, dapat may sasakyan tayo.’’

“Marunong kang mag-drive Muls.’’

“Oo Kuya. Kaya lang matagal ko nang di-na-renew ang lisensiya ko.”

“Ipa-renew natin. Ta­mang-tama pala e di ikaw na lang ang driver ko.”

‘‘Oo Kuya’’

Tumingin sa relo si Fred. Alas-kuwatro na ng madaling araw.

“Tayo na, Muls. Para ka­unti pa ang tao sa pa­lengke.’’

Kakaunti pa ang na­mamalengke nang duma­ting sila. Yung binibilhan nila ng manok ay nakangiti nang makita si Fred. Ka­bisado na ng tindera kung gaano karami ang manok na bibilhin ni Fred.

“Dati pa rin ba Kuya ang manok mong order?” tanong nang makalapit sila.

‘‘Naku, dagdagan mo at dumaming bigla ang customer namin.”

“Mga ilang kilo pa Kuya ang idadagdag?’’

“Sampung kilo. Yung breast ha. Yung wala nang buto.”

“Opo Kuya.”

Pagkatapos sa manu­kan, sa karneng baka na­man sila nagtungo. Pa­wang sariwa ang karne. Nagpadagdag din ng kar­neng baka si Fred. Pag­katapos ay karneng baboy. Si Mulong ang bumili ng mga sahog — luya, pa­minta, asin, betsin at iba pa.

Nang mabili lahat, nag­pa­alam si Fred kay Mulong. Nagtungo siya sa bahagi ng palengke na kinakitaan kay Ganda kahapon. Wala pang gaanong tao. Naghintay siya. Pero nakalipas ang kalahating oras ay wala si Ganda.

Hanggang mag-alas singko ng umaga. Wala ni anino ni Ganda.

Laglag ang balikat na nagbalik siya sa pinag-iwanan kay Mulong. Nag­yaya nang umuwi.

Habang nasa dyipni, iniisip ni Fred baka pinagbawalan si Ganda ng kasamang babae. Baka nahalata ang pag-uusap nila ni Fred. Baka hindi na sa Paco mama­malengke sina Ganda.

(Itutuloy)

Show comments