May hiyas pa sa liblib(83)

PERO mas nanaig kay Fred ang kalagayan ng anak na si Kim. Kailangan niyang kalimutan ang may kaugnayan kay Ganda at harapin ang kinabukasan ng anak. Tigilan na niya ang paghahanap kay Ganda sapagkat wala rin namang kahahantungan ito. Unang-unang dahilan kung bakit dapat niyang tigilan ang paghahanap ay dahil wala naman siyang nakikitang pagpapahalaga rito. Sa kabila na “nailigtas” niya ito sa dalawang man­yakis, balewala lang. Isinubo niya ang buhay pero wala lang. Mabuti na lang at hindi siya napahamak nang iligtas ito sa dalawang lalaki.

Ikalawang dahilan kung bakit kailangan niyang tigilan na ang paghahanap at pag-iisip kay Ganda ay sapagkat hindi naman talaga siya bagay dito. Malaki ang agwat ng edad. Halos anak na niya. Sigurado na ang hinahanap ni Ganda ay kasing-edad din niya. Dapat niyang tanggapin ang katotohanan.

Mas maganda at kapa-ki-pakinabang kung ang pagtutuunan niya ng pansin ay ang kanyang buhay at si Kim.

Tapos na ang kalokohan niya kay Ganda.

Inasikaso niya ang pagbebenta ng kanyang lupa at bahay. Ang napagbentahan ay ibinili niya ng isang maliit na lote sa H. Santos St. At pinatayuan ng bahay. Malapit lang sa bahay ng kapatid. Ayaw niya sa condo. Mas maganda kung may sariling bakuran at garahe.

Yung lupa niya sa Bgy. Luningning ay maayos namang inaasikaso ni Raul at ng taong nakatira roon. Hindi na siya nagbabalak umuwi sa Bgy. Luningning. Hindi niya maaaring iwan si Kim.

“Babalik ako sa trabaho ko, Melda. Kasi baka maubos ang ipon ko,”sabi niya sa kapatid.

‘‘Tatanggapin ka pa ba e may edad ka na?’’

“Tatawagan ko ang dati kong boss. Baka maisingit niya ako.’’ 

‘‘Kung hindi ka tanggapin paano?”

“E di subukan ko uling   mag-Saudi o kaya sa Dubai.”

“Naku Kuya, huwag ka nang mag-abroad. Ngayon pang nagbibinata na si Kim. Magnegosyo ka na lang kaya rito. Tutulu-ngan kita sa kapital.’’

Nag-isip si Fred. Ano naman kayang negosyo ang papasukin niya?

“Magtinda ka kaya ng lugaw, aroskaldo, mami…”

Nagtawa lang si Fred.

“Tapos may masarap na puto…” sabi pa ni Melda.

Puto! Nang marinig ang puto ay may biglang pumasok sa isipan niya. Si Ganda! (Itutuloy)

Show comments