“PATAY na ang matanda.”
Ganoon lang ang nakalagay sa sulat ni Raul kay Fred. Walang binanggit kung kai-lan namatay at kung ano ang ikinamatay. At lalong walang sinabi tungkol kay Ganda.
Lalo nang nag-isip si Fred sa pangyayaring iyon. Gusto man niyang makausap ng personal si Raul ay hindi niya magawa. Wala naman itong cell phone. Hindi niya malaman kung kailan magkakaroon ng cell si Raul. Siyempre, mahirap kitain ang pera. Nag-iipon pa siguro ng pera si Raul para maibili ng cell.
Gustung-gusto ni Fred na makabalita pa sa maglola.
Isang umaga ay nagpaalam siya kay Kim at kay Melda.
“Uuwi muna ako sa Socorro. Bukas din ay babalik ako.”
“Anong gagawin mo roon Papa?” Tanong ni Kim.
“Bibisitahin ko lang ang lupa natin,” sagot niya sa anak. Hindi pa mauunawaan ni Kim kung ikukuwento niya ang tungkol sa matanda at sa apo nito.
“Bumalik ka agad Papa dahil walang maghahatid sa akin. At saka di ba may panonoorin tayong sine?”
“Oo naman babalik agad ako. Hindi ko nalilimutan ang panonoorin nating sine.”
“Magdala ka ng prutas Kuya. Di ba sabi mo marami kang prutas doon?’’ sabi ni Melda.
“Magdadala ako ng lansones at rambutan.”
“Ay sarap!”
Lumakad na si Fred. Kailangang makaabot siya ng biyaheng alas-otso ng umaga sa barko para maaga pa siyang makarating sa Socorro.
Eksaktong alas otso siya dumating sa Batangas City Port. Nakasakay agad siya sa SuperCat. Matulin. Eksaktong isang oras ay nasa Calapan City na sina Fred.
Mabilis din ang Hi-Ace van na sinakyan niya patungong Socorro. Maganda na kasi ang kalsada.
Nang makita siya ni Raul ay tuwang-tuwa ito.
“Hindi kita matawagan, Pinsan dahil wala pa akong cell phone. Sunud-sunod ang gastos kaya hindi ako makabili.”
“Huwag kang mag-alala at ibibigay ko sa’yo itong cell phone ko.”
Ipinaghanda siya ng makakain ni Raul. Pagkatapos inilabas ang alak.
“Mamaya na tayong gabi uminom, Pinsan. Gusto ko pumunta sa Luningning. Gusto kong makita ang aking bukid.”
“Sayang at wala ka nang makikitang Ganda roon, Pinsan. Sabi ng napagtanungan ko nang minsang magtungo ako sa Bgy. Villareal, nasa Maynila na raw si Ganda…”
(Itutuloy)