Ang kapitbahay kong si Jesusa (85)

ALAM ko, napaligaya   ko si Jesusa. Nakita niya ang paninindigan ko na huwag makober sa aming magasin dahil ayaw kong mabilad siya sa mga mata ng mga tao lalo ang mga kalalaki-han. Ang sinabi ko ay sinabi ko na at hindi na iyon mababawi.

“Sabihin na ni Mr.     Diegs ang gustong sa­bihin sa akin. Sabihin na niyang korni ako at maarte pero hindi ko ipagagamit ang larawan mong ginuhit ko. Sabihin na niyang wala akong utang na loob, bahala siya.”

“Baka alisin ka na sa trabaho mo, Per?”

“E di alisin niya. Siya lang ba ang may magazine. Puwede naman akong mag-apply sa iba.”

“Mula nang masangkot ako sa buhay mo, nag­karoon na ng mga pagbabago. Ngayon, magkakaroon ka pa ng kaaway.”

“Okey lang. Hindi ako natatakot.”

“Talaga bang ayaw mo akong makober sa magazine?”

“Ayoko, Jesusa. Meron kasi akong nababasa sa isip ni Mr. Diegs kaya ma­tindi rin ang pag-ayaw ko sa plano. Kapag naikober ka, baka ang sunod niyang hilingin e mag-posing ka na nang hubad talaga sa harap ng camera. Kagaya ng mga kinukuha ni Frankie dun sa mga model namin. Kaya talagang hindi ako papayag…”

Napatangu-tango si Jesusa sa sinabi ko. Naunawaan na niya kung bakit ganoon na lamang ang pagtutol ko.

“Kaya nga gusto ko makasal na tayo para wala nang magkamali sa’yo. Akala kasi, dalaga ka pa. Ang ganda-ganda mo rin kasi, Jesusa. Kailangan din siguro e maaanakan na kita para hindi ka na makuhang model.”

Nagtawa si Jesusa.

“Mabuti pa nga siguro e ganun ang gawin mo.”

“Magpakasal na tayo bukas na bukas din,” sabi ko.

“Sige. Ikaw ang bahala.”

Nag-isip ako. Mahirap naman kung ura-urada. Gusto ko mabigyan nang maayos na kasal si Jesusa. Sa isang sikat na simbahan, may ilang pares ng ninong, abay, ring bearer at iba pa. Iyon ang panga­rap ko para kaya Jesusa. Gusto ko sa isang hotel ang reception. Wala namang problema dahil marami akong ipong pera.

“Ano Per, bakit natahimik ka yata?”

Inakbayan ko si Jesusa.

“Iniisip ko bigyan ka nang engrandeng kasal. Minsan lang tayong ikakasal kaya gusto ko, yung hindi mo malilimutan…”

Biglang napaiyak si Jesusa. Sumubsob sa dibdib ko. Naramdamdan ko ang pamamasa ng t-shirt ko.

Hinaplus-haplos ko ang buhok niya. Alam ko, sa mga pinangako ko, ganap nang nalilimutan ni Jesusa ang masaklap na nakaraan. At kapag naisakatuparan ko ang mga pangako sa kanya, tiyak na lalo pang liligaya si Jesusa.

(Itutuloy)

Show comments