“TINANGGAP mo ang pera, Jesusa?” tanong ko.
Tumango si Jesusa.
‘‘Paano nalaman ng Inay mo ang pangyayari?’’
“Umuwi ako pagkaraang ibigay ni Mam ang pera. Tila wala ako sa wisyo nang dumating sa bahay. Si Inay at ang dalawang kong kapatid ay kumakain ng tanghalian. Gulat na gulat si Inay nang makita ako. Hindi niya inaasahan na darating ako. Nasanay nga siya na tuwing Sabado ako umuuwi. Bakit daw ako umuwi? At bakit daw namumutla ako. Sa halip na sumagot bumunghalit ako ng iyak. Ibinagsak ko ang katawan sa upuan. Napatayo si Inay at napasugod sa akin. Ang dalawa kong kapatid ay nakatingin lang.
“Nagpanic na si Inay dahil sa bigla kong pag-iyak. Niyugyog pa ako dahil ayaw kong tumigil sa pag-iyak. Sinampal-sampal pa ako. Nang mahimasmasan ako, ipinagtapat ko ang mga nangyari. Si Inay naman ang bumunghalit ng iyak. Yumakap sa akin. Matagal. Kapwa na kami umiyak. Nagsanib ang luha namin. Pero alam mo kung sino ang sinisisi ko ng mga sandaling iyon, ang aking walanghiyang ama na nag-abandona sa amin. Kung hindi niya kami inabandona, hindi ako magpapaalila kina Mam at hindi ako masasalaula ng asawa niyang manyakis
“Takot ako at takot din si Inay. Takot akong malaman ng mga taga-amin, mga kaklase ko, mga kaibigan ang nangyari sa akin. Kaya minabuti na na-ming manahimik…”
Napatungo si Jesusa.
“Hindi n’yo na naisip magdemanda?”
“Kami nga ang natakot. Naisip din namin nun ano ang ilalaban namin sa doctor. Baka mabayaran lang ang judge. Baka mabulgar lang ang nangyari pero wala rin palang makukuhang hustisya.
“Nang magtagal saka ko naisip na hindi pala kami dapat natakot. Hindi pala dapat matakot lumantad. Kaya paulit-ulit ang mga babaing nagagahasa ay dahil hindi nagrereklamo at laging natatakot.”
Ang pangyayaring iyon ang naging dahilan para ngayon ay maging matapang si Jesusa.
“Anong ginawa mo pagkaraan niyon?” tanong ko.
“Pinilit ibaon sa limot ang ginawa ng doctor. Yung pera kahit masakit gastusin dahil bayad sa puri ko, ginamit ko sa pag-aaral. Nakatapos ako ng high school at nakatuntong din ng kolehiyo. Yung sumobra, ginastos sa pagpapagamot kay Inay. Naging sakitin kasi.”
“Meron ka pang balita sa doctor na nang-rape sa’yo ?’’
‘‘Namatay din pagkaraan ng ilang taon. Nangangampanya siya noon para sa pagka-mayor pero natumba. Na-comatose at makaraan ang ilang araw e natodas na rin. Nakaganti na ako. Yung si Mam naman, mula nang mamatay ang asawang doctor ay naging masasakitin na.
“Mula nang mamatay ang doctor na sumalaula sa akin, nagsimula na akong bumangon. Kailangang maahon sa kahirapan ang aking pamilya…nakipagsapalaran na ako rito sa Maynilla…’’
(Itutuloy)