“SAAN n’yo ba ako dadalhin?” tanong ko sa katabi kong lalaki. Eskinita pa rin ang tinatakbuhan namin. Dis-oras ng gabi kaya wala akong makitang tao sa kalsada. Sana ay may police car kami na makasalubong. Pero maski ang mga pulis marahil ng oras na iyon ay natutulog.
“Huwag ka nang magtanong at darating din tayo roon.”
“Maawa na kayo sa akin. Inutusan lang ako ni Mon kaya ko nagawang nakawan si Mr. Dy.”
“Hindi naman ang pera ang pinagsisintir ni amo e yung pinendeho mo siya. Ayaw ni amo ng ganoon.”
Naalala ko ang mga sinabi ni Mr. Dy noon. Seloso raw siya. Ayaw niya na may ka salong iba.
“Sana hindi ka na lang sumuway sa gusto niya. Tingnan mo at pati yung siyota mo, nawala na. Ikaw e, matigas ang ulo!”
“Maawa na kayo sa akin. Pakawalan n’yo na ako.”
“E di kami naman ang pinatay ni amo.”
“May pera pa ako rito sa inyo na lang basta palayain nyo na lang ako. Marami pa itong pera ko.”
Napatingin sa akin ang katabi ko. Pagkatapos ay sa kasama na nagda-drive.
“Ano, Noel? Anong gawin natin dito ke mam?”
“Aba e di isemento sa drum!”
Natulig ako sa narinig. Mga mamamatay-tao nga ang mga taong ito! Susundin ang kanilang amo. Walang pinatatawad. Walang kinaaawaan.
“Yan bang pera mo galing din kay amo?”
“Hindi! Ipon ko. Sa inyo na lang ito! Basta palayain n’yo na lang ako.”
“Gaano karami ‘yang pera mo?”
Tila interesado ang katabi ko. Binuksan ko ang bag. Kinuha ko ang pera. Makapal iyon. Tira ng mga perang binigay sa akin ni Mr. Dy.
“Ano Noel?” tanong ng katabi ko.
“Ikaw? Anong pasya mo?”
“Kailangan ko ng pera Noel, me sakit ang anak ko. Kailangang masalinan ng dugo.”
“Ikaw ang bahala kay amo. Baka matunugan na hindi natin sinemento yan e ikaw ang balingan. Alam mo na ‘yun.”
Natahimik ang katabi ko. Nag-isip. Saka binalingan ako.
“Saan ba ang probinsiya mo?”
Sinabi ko.
“Sige akinang pera mo.”
Binigay ko.
“Noel dalahin na lang natin sa terminal ng bus ito.”
“Pagtaksihin mo na lang at baka madale pa tayo pag hinatid pa natin ‘yan.”
Itinigil ang sasakyan.
“Sige na. umuwi ka na sa probinsiya n’yo. Huwag ka nang magpapakita rito. Pag nalaman ni amo na buhay ka, hindi lamang ikaw ang delikado pati kami ni Noel.”
Bumaba ako. Sumibad na ang kotse. Nawala sa paningin ko. Hindi pa rin ako makapaniwala sa mga nangyari sa akin. Ikalawang buhay ko.
Isang taksi ang nakita kong paparating. Kinawa yan ko. Magpapahatid ako sa bus station. Me pera pa naman akong nakatabi. Meron pa rin ako sa banko.
(Itutuloy)