DUMATING ang lalaking iyon na ako ay hilung-hilo dahil sa kaantukan. Nanlalabo pa ang aking mga mata at pilit siyang inaaninaw sa dilim. Nasisi ko ang sarili kung bakit ko pa napatay ang ilaw sa lampshade na nasa aking ulunan. Kung buhay iyon ay madali kong makikilala ang lalaki. Hirap na hirap akong aninawin ang mukha ng lalaki.
Ipinagtataka ko kung bakit alam na alam ng lalaki ang gagawin. Para bang sanay na sanay na siya sa lugar. Kabisadung-kabisado kung saan hahakbang.
At nang duhapangin ako, nadama ko ang kanyang bigat. Mahirap itulak dahil sa bigat. Parang sako ng palay ang bumagsak sa akin. Masyadong malakas na kapag ako ay nagmatigas ay ako pa ang masasaktan. Gusto kong sumigaw pero walang lumabas na tinig mula sa akin. Umurong ang aking dila sa pagkakataong iyon. Wala akong kakilus-kilos habang tinatampalasan ang aking katawan. Hindi ko na alam kung paano niya nahubad ang aking damit. Sa bilis ng mga pangyayari, parang nananaginip lamang ako.
Hayok na hayok ang lalaki. Para bang mauubusan kaya minamadali ang ginagawa. Naamoy ko ang hininga — amoy alak. Hindi maaaring maikaila sa akin ang alak. Ganoon ang ininom namin ni Mon sa seafood restaurant na aming kinakainan. Yun ang masarap na alak na dahan-dahan at suwabe ang tama.
Mabilis lang ang pangyayari. Iglap na pagpapasasa sa katawan ko. Parang saging na bumagsak ang katawan ng lalaki sa tabi ko. Humahagok sa pagod. Hinang-hina naman ako. Wala pa ring masabi dahil umurong ang dila.
Hanggang sa masanay na ang mata ko sa dilim at nakita na ang pagmumukha ng lalaki. Singkit. Mataba. Matangos ang ilong. Mahigit sigurong 50-anyos.
Siya si Mr. Dy. Hindi ako maaaring magkamali. Siya ang bossing ni Mon. Ipinakita sa akin ni Mon ang picture nila nito minsan.
Ipinagbili na yata ako ni Mon sa Intsik na ito!
(Itutuloy)