“KUNG halimbawa at hindi pala ako magkakaanak, Frankie, anong gagawin mo? Iiwan mo ako?” tanong ni Rina na may pag-aalala.
“Bat naman ganyan ang tanong mo?”
“Wala lang. Kung sakali nga lang at hindi pala kita puwedeng bigyan ng anak e anong gagawin mo?”
“E di ganito pa rin tayo. Ano namang gagawin ko?”
“Iiwan mo ako. Siyempre magsasawa ka dahil hindi kita mabigyan ng anak. Alam ko, may mga lalaking mas mahalaga sa kanila may maipagmamalaking anak.”
“Puwede namang mag-ampon. Ba’t si Fernando, nakapag-ampon. E kung wala talaga tayong magagawa e bakit natin pipilitin.”
“Kasi’y natatakot ako, Frankie.”
“Na baog ka?”
“Oo.”
“E ba’t hindi muna tayo magpa-check-up para malaman ang totoo? Mahirap yung nanghuhula lang.”
“Natatakot ako Frankie. Baka nga totoo ang kutob ko na may deperensiya ako.”
“Hindi natin malalaman hangga’t hindi kumukunsulta sa doctor.”
“Ayaw kong malaman ang totoo, Frankie. Natatakot talaga ako.”
“Malay mo ako pala ang may deperensiya at hindi ikaw. Mag-iisip ka nang mag-iisip na ikaw ang may deperesiya e hindi naman pala.”
“Huwag na tayong magpa-check-up Frankie, puwede?”
Naunawaan ko naman si Rina. Talagang may mga taong ayaw malaman ang katotohanan. Maraming katulad ni Rina. Siguro, lumakas ang kutob niya na baka siya ang may deperensiya dahil hindi sila nagkaanak ng una niyang asawa. At masakit nga, nalaman niyang dalawa pala ang anak nito sa ibang babae. Siguro kaya nag-anak sa iba e dahil nagduda na hindi niya kayang mag-anak.
“E magtatanim lang ako nang magtatanim ng talong Rina?” tanong kong nakangiti.
“Oo. Malay mo, katatanim mo e may mabuhay.”
“Sige dalasan ko pa ang pagtatanim sa bukid na basa.”
“Siguro hindi pa lang natin natitiyempuhan. Lagi rin kasi akong pagod,” sabi pa niyang nagpapalakas pa ng loob.
“Siguro nga.”
Pero kahit na sunud-sunod ang aking pagtatanim sa malusog at mamasa-masang kalupaan, walang mabuhay na tanim. Pinag-iingat ko na ang pagtatanim at kung anu-ano pang multi-vitamins ang iniinom ko para lalong sumigla ang punla e wala ring mangyari.
Hanggang minsan, sa isang pagbabakasyon namin sa Pinas pagkaraan ng ilang taon, lihim akong nagpa-check-up sa isang doctor. Gusto kong makatiyak.
(Itutuloy)