“KILALA rito si Fernando, Frank. Siya yung may malaki ang taniman ng kape at kakaw. May taniman din siya ng mangoosteen at luyang dilaw nga yon. Pang-herbal medicine raw. Mayaman na ‘yung si Fernando. Baka mayaman pa sa mga Intsik dito na ang negosyo ay kopra at palay,” pagkukuwento ni Mang Nado. Nasa bakuran kami ng bahay niya. Maliwanag ang buwan.
“Dun po sa may munisipyo ang bahay niya ano, Mang Nado?” tanong ko.
“Aba ay hindi na. Sa mismong lupain na niya siya nagpatayo ng bahay. Kasi yung nabili niyang lupa e may waterfalls. Dinadayo na nga ngayong summer ang falls. Malawak. Napakaganda ng lugar niya. Siguro e mga kalahating oras mula rito sa Pinamalayan ang kinaroroonan ng lupain niya. Sinuwerte ang taong iyon. Masyado kasing mabait.”
Doon ko nakumpirma na mali ang mga inisip ko noon na baka patay na si Fernando at iniwan na ni Melissa. Sinuwerte pa pala ang kaibigan ko. Yung lupa pala na sana ay para sa akin, ay siya na pala ang may-ari. Natupad din ang pangarap niya na doon magbahay. At siguro, ang bahay na ipinagawa ay may beranda at nakaharap sa waterfalls. Naalala ko, doon daw kami mag-iinuman sa beranda para maganda ang view.
“Pero mayroon akong nabalitaan sa asawa niya…”
Doon ako nagsimulang tindigan ng balahibo. Baka kaya nanlalaking muli si Melissa?
“Eto naman ay ayon sa kuwento ng pamangkin ko. Yung pamangkin ko kasi ay trabahador sa lupain ni Fernando. Doon na siya nakatira mismo sa lupa ni Fernando. Yan daw asawa niyang si Fernando ay minsan nang kumaliwa noon. Nahuli na raw ‘yan dun sa isang beach sa Pili yata na may kaanuhan na ibang lalaki. Pero dahil mabait daw si Fernando ay tinanggap uli. Kaya ayun magkasama na sila ngayon at ayon sa pamangkin ko ay talagang nagsasama nang ayos ang dalawa…”
Ah, alam ko na ang istoryang iyon. Noon pa iyon. Yung bago ang gusto kong malaman kay Mang Nado.
“Ang pamangkin mo po ba ay nagtatrabaho pa rin hanggang ngayon kay Fernando?”
“Aba ay oo. Baka hindi na aalis ang pamangkin ko kay Fernando dahil mabait nga. At saka kahit na anong hilingin nila ay binibigay. Kahit sa pera ay maluwag. Wala raw masasabi ang pamangkin ko sa mag-asawa. Kasi’y talagang sobra-sobra ang pera. Yung anak nga ng pamangkin ko e sa Maynila nagkokolehiyo at sinasagot pa ni Fernando ang tuition…” sandaling tumigil si Mang Nado sa pagsasalita. Parang nag-iisip pa nang ikukuwento kay Fernando.
“Sabi ng pamangkin ko, para raw sinuwerte nang magkaanak nang kambal sina Fernando. Parang hinipang lobo ang kabuhayan…”
Lumipad naman ang isip ko. Nang makita ko noon ang isang babae sa mall sa Maynila na kahawig ni Melissa ay may akay na dalawang bata. Tama nga yata ang kutob ko. Hindi kaya anak ko ang kambal na ‘yun?
(Itutuloy)