Nakaganti na si Ate Lina kay Cynthia. Ngunit ang hindi niya maintindihan ay ang damdamin para kay Raffy. Ngayong tapos na niyang gamitin si Raffy para makaganti kay Cynthia, ayaw naman niyang mahiwalay na rito. Napamahal na raw yata sa kanya ang lalaking ito. Gusto na nga yata niyang pumayag sa alok ni Raffy na magpakasal na muna sila sa huwes. Hindi nagkukunwari si Raffy sa pag-aalok ng kasal. Talagang gusto siya nito. Hindi lamang katawan at “laman” niya ang gusto nito kundi pati ang buo niyang pagkatao.
Hindi makatulog si Ate Lina ng gabing iyon. Hindi rin naman niya napansin na wala pa nga pala si Raffy pagkaraang magpaalam kanina. Nasaan na kaya? Pupunta lamang daw sa pinsan nito at may ikukunsulta pero hindi pa bumabalik. Kinabahan daw si Ate Lina. Kakaibang kaba ang nadama niya sa oras na iyon.
Nawala lamang ang kaba nang eksaktong alas-kuwatro ng madaling araw ay may kumatok sa pinto. Si Raffy! Lasing na lasing. Inihatid ng pinsan nito.
Pinunasan ni Ate Lina. Pinalitan ng damit. Inayos ang pagkakahiga. Saka tinabihan sa pagtulog.
Pinagmasdan niya si Raffy habang natutulog. Noon lamang daw niya napansin na hawig si Raffy sa namatay na nobyong si Josh. Oo nga! Malaki ang pagkakahawig. O dinada-ya lamang siya ng paningin? Ilang ulit na ipinikit at idinilat ang mga mata. Ganoon pa rin. Talagang malaki ang pagkakahawig ni Raffy at Josh.
Hinalikan ni Ate Lina sa labi si Raffy. At noon din ay nagpasya siya, bukas na bukas ay yayayain niyang magpakasal sila sa huwes ni Raffy. Hindi na siya tututol. Bakit pa siya tututol gayung tapos na ang paghihiganti.
Kinabukasan ng uma-ga, nagulat na lamang ako nang marinig ang balita sa TV na isang babae ang nagpakamatay dahil hindi sinipot ng lalaki sa araw ng kasal. Ang babae ay nakilalang sa pangalang Cynthia ng Sampaloc, Manila.
Hindi makapaniwala si Ate Lina. Nakamula- gat habang pinanonood ang balita sa nagbigting babae. Nang alisin sa pagkakabigti, nakumpirma ni Ate Lina na si Cynthia nga ang babae.
(Itutuloy)