MANILA, Philippines - IYON para sa akin ang pinakamaganda at pinakamasayang pagbabalikbayan. sa Pilipinas. Unang-una kaya ako masaya ay dahil hindi na ako babalik sa Saudi. Ikalawa, naisaayos ko na ang aking buhay. Nailagay ko na sa tama at deretso na sa tinatahak. Ikatlo, nakasisiguro na ring hindi maghihirap sapagkat nakapagpundar ng kabuhayan. Matibay na rin ang pangako sa sarili na wala nang gagawing palso. Ang tangi na lang kulang para madama ang total na kaligayahan ay babaing makakasama ko habambuhay.
Minsan isang buwan ay dinadalaw ako ni Abby at Luis kasama ang kanilang panganay na anak. Napaka-cute ng pamangkin ko. Naaala ko naman ang batang ipinaangkin sa akin ni Rica noon. Buong akala ko, siya nga ay aking anak. Malaki na siguro ang bata. Inalis ko sa alaala ang masamang tagpong iyon.
“Iiwan n’yo kaya muna itong pamangkin ko rito, Abby kahit isang araw lang,” sabi ko.
“Naku iiyak ‘yan Kuya. At saka malungkot sa bahay kapag wala itong baby namin.”
“Kailangan na talaga Ku-ya na gumawa ka ng bata,” sabi ni Luis.
“Ang dapat muna niyang hanapin ay babae para makagawa ng bata,” sabi naman ni Abby.
“Kumusta ba yung sinasabi mo sa akin noon na ima-match mo?”
“Hindi pala maganda Kuya. Akala ko maganda, suwangit pala. Baka pintasan mo lang.”
“Wala nang iba, Abby?” tanong ko.
“Meron pa kaya lang tatantiyahin ko muna kung gusto na rin niyang mag-asawa. Baka magma-match ako e wala na palang balak. Hintay ka lang, Kuya.”
“Sige.”
Isang taon pa ang lumipas.
Isang hapon ng Linggo ay naisipan kong magtungo sa Quiapo. Nang magsawa sa paglalakad sa Carriedo ay bumalik ako sa may ila-lim ng tulay. Hanggang sa maisipan kung sumakay ng dyipni na biyaheng Dimasalang-Blumentritt. Nang sulyapan ko ang aking relo ay saktong alas sais na.
Banayad na tumakbo sa Quezon Blvd. ang dyipni. Padamput-dampot ng pasahero. Nakarating sa Laong Laan. Kumaliwa sa Dimasalang. Nang tumigil sa bagsakan ng mga bulaklak sa Dimasalang ay bumaba na ako. Nang makakita ako ng mapupulang rosas sa bangketa ay bumili ako ng tatlo.
Ipinagpatuloy ko ang paglalakad hanggang makarating sa eskinita na pa-tungo sa bahay nina Michelle. Natanaw ko ang bahay. Nagulat ako nang makitang may nakasinding ilaw doon. (Itutuloy)