“KUNG nag-aalala ka sa magiging kalagayan ni Joepe sa amin, aba ay huwag mong iisipin iyon. Siguro nag-iisip ka ano, Luningning?”
“Hindi, Gina. Alam ko hindi ninyo pababayaan ang anak ko.”
“O e bakit parang nababalisa ka yata nang banggitin ko ang tungkol kay Joepe. Hindi ka agad nakasagot.”
“Wala yon. Sige na, Gina. Tatawagan pa ako ni Francis e. Sige kayo na ang ba hala kay Joepe.”
“Tatawag ka uli?”
“Oo.”
Pero matagal bago muling tumawag si Luningning kay Gina. Tila ba nalimutan na yatang may anak siya. Sabagay kahit na hindi siya tumawag, e narito naman kami ni Gina — lalo na ako na nagmamahal kay Joepe. Patago nga lang.
Nang tumawag si Luningning ay ibinalita na malapit na siyang umuwi dahil naayos na raw ni Francis ang mga papeles para sa pagtungo niya sa Brisbane. Ang mga kailangan daw sa kanilang pagpapakasal ay naiayos na.
“Talagang tuluy na tuloy na, Luningning?”
“Oo. Wala nang atrasan. Sabik na nga akong makarating sa Australia.”
“Yan ba ang dahilan kaya matagal kang hindi tumawag. Ni hindi mo na yata naaalala si Joepe.”
“Susmarya naman Gina, masyado akong busy sa paghahanda sa kasal namin ni Francis. Marami akong inaayos at ipinadadala sa kanya. At saka marami pa rin akong ginagawa sa work ko.”
“Para kasing wala kang anak.”
“Ay naku magtatalo ba tayo dahil diyan? Siya sige na at abangan niyo na lang ang pagdating ko diyan sa Pinas. Siguro mga dalawang linggo lang ako diyan at lilipad na ako patungong Australia. Siyanga pala Gina, ipagtanong mo nga kung magkano ang magagastos ko sa da mit pangkasal. Mahal ang damit sa Australia kaya diyan na lang ako bibili.”
Matamlay ang sagot ni Gina sa kapatid.
Makaraan ang isang linggo ay dumating si Luningning. Masaya nang salubungin namin sa NAIA. Kinarga ang anak na si Joepe. Ang laki na raw.
“Hindi mo napapansin, kamukha na ni Rico?” sabi ni Gina.
Napangiti si Luning ning.
“E kasi kayo ang nag-aalaga. Di ba kung sino raw ang nag-aalaga, e iyon ang nagiging ka mukha.”
“Oo nga. Tama nga ang kasabihang iyon.”
Sumulyap sa akin si Luningning. Hindi na ako umiiwas sa tingin niya. Siya ang may sabi na kailangang maging normal ang kilos ko kapag magkaharap kami. Iyon ang ginagawa ko para huwag mahalata ang namagitan sa amin.
Ilang araw bago ang pag-alis ni Lu ningning patungong Australia ay nagkasarilinan kami. Seryosong nag-usap tungkol sa aming anak.
(Itutuloy)