SA isang restaurant sa bagong bukas na mall sa EDSA kami nagpunta para kumain. Habang nasa mesa ay umiiwas ako na makatinginan si Luningning. Hindi rin ako nagsasalita. Nasa gawing dulo ako ng mesa, malapit sa aking bunsong anak. Si Gina at Luningning ay magkatabi.
“O Rico, para kang pinitpit na lata d’yan,” sabi ni Gina.
Ngumiti lamang ako. Iniiwasan ko pa ring tumingin kay Luningning.
Si Luningning ang nagsalita.
“Wala naman talagang imik yang asawa mo Gina.”
“Naku, ganyan lang yan pero madaldal ‘yan.”
“E bakit walang imik?”
“Nahihiya siguro sa’yo.”
“Bakit siya mahihiya?”
“E kasi ikaw ang magbabayad ng kakainin natin.”
Nagtawa si Luningning.
Noon ko nagawang tingnan si Luningning. Normal lang ang kilos niya at pagsasalita. Nagbibiro. Talo pa ako na naging kapansin-pansin ang pagiging tahimik.
Mahusay magtago si Luningning ng lihim at ti-nalo pa ako. Kung nakaya niya, bakit hindi ko magagawa?
Napilitan na akong magsalita at magbiro.
“Nahihiya nga ako kaya hindi ako nagsasalita, Luningning. Kasi’y wala na akong dollars na ibabayad hindi katulad mo.”
“Kasi naman kung bakit bigla kang umuwi. E di sana marami kang dollar ngayon katulad ko.”
Sumabad si Gina.
“Pinauwi ko na ‘yan, Luningning kasi natatakot ako na manligaw doon. Uso pala roon ang pambaba-bae ng mga OFW. Tapos nanaginip pa ako na mayroon daw nakarelasyon doon. Sabi ko, umuwi na.”
Napatingin sa akin nang makahulugan si Luningning. Pero agad binawi ang tingin dahil baka mapansin ni Gina.
“Mas mabuti nang na-rito na siya. Maganda naman ang trabaho niya bilang layout artist.”
“Pero mas maganda ang suweldo sa Riyadh di ba?”
“Aanhin ko naman ang malaking sahod kung meron naman siyang kinakalarong iba. Mas gusto ko pang maliit ang sahod pero lagi kaming magkasama.”
Napatingin uli sa akin si Luningning. Ako naman ang umiwas sa tingin niya.
Kinabukasan, hindi ko akalain na magsosolo kami sa bahay ni Luningning. Nagpunta sa school ng dalawa kong anak si Gina. Sa hapon pa kasi ang trabaho ko sa publication.
(Itutuloy)