Ninong (ika-109 na labas)

PERO hindi ko masabi kay Jigo ang nasa isipan ko. Hindi ko magawang sabihin ang perang na­kita niya sa possession ni Diana ay maaa­ring pera ko. Ayaw ko nang malaman ni Jigo na isa rin ako sa “umi­pot” sa kanya. Ayaw ko nang dagdagan pa ang sakit na nadama niya. Kung sasabihin kong sa akin ang perang nakita niya kay Diana, baka patayin ako.

At hindi ko na rin balak pang sabihin sa kanya   na ipinangkolekta ko siya ng abuloy sa utos na rin ng kanyang asawang taksil. Hindi na niya dapat pang malaman na “pina­tay” na siya ni Diana. Para ano pa at ipaaalam ko    sa kanya iyon?

“Marami pa akong na­tuklasan sa kanya Ni­nong. Nasa kanyang cell phone ang mga kati­ba­yan. Iba’t ibang lalaki pala ang nakalaro niya. Ha­bang ako ay narito sa Ri­yadh noon, may gina­ga­wa pala siyang mi­lagro.”

Sa sinabing iyon ni Jigo ay kinabahan ako. Hindi kaya nasa cell phone pa ni Diana ang mga mes­sages ko at ang mga pag­ tawag. Pero kung nasa cell phone pa niya ang   mga messages ko, e di sana kinumpronta na ako ni Jigo. Siguro’y  wise rin si Diana na ang lahat ng may kaugnayan sa amin ay dinelete na. Baka rin pinalitan na ang SIM card dahil nang tinatawa­gan ko, walang sagot.

“Saan ka tumira mula nang matuklasan mo ang pagtataksil ni Diana? Sa mga magulang mo?” ta­nong ko.

“Sa isang pinsan ko sa probinsiya, Ninong. Wala na akong magu­lang. Matagal nang patay sina itay at inay.”

Hindik na naman ako. Noon kaya hindi ako nakatuloy sa bahay nila sa Miguelin para mag-talik ay dahil naroon daw ang kanyang mga bi­yenan. Napaka­walang­hiya talaga ng babaing iyon!

“Matagal ako sa pro­binsiya Ninong. Pero ka­hit naroon ako sa pro­binsiya nakabuntot pa rin sa akin ang masakit na ginawa ni Diana. Hindi ako makatulog.

 Lagi kong nakikita sa aking isipan yung tag­pong nagtatalik sila sa sopa ng kanyang kala­guyong DOM. Pabalik-balik sa isipan ko.”

“Sana e bumalik ka na lang dito sa Riyadh.”

“Magulo pa ang isipan ko, Ninong.”

“Ang pera na nakuha mo sa bag ni Diana, iti­nabi mo? Anong ginawa mo?”

Aywan ko ba kung ba­kit ang pera ang lagi kong tinatanong.

“Oo Ninong, itinabi ko. Me pinaglaanan ako ng perang iyon.”

“Anong pinaglaa­nan?”

“Alam kong hindi mo ako ipapahamak, Ni­nong. Sa iyo ko lang sa­sabihin ang isa ko pang lihim...”

Masyado na akong kinakabahan sa mga sinasabi ni Jigo.

(Itutuloy)

Show comments