DINADAYA ba ako ng mga mata ko? Paanong mabubuhay ang isang patay? Di ba’t nagbigti siya at nanghingi pa ng abuloy ang walanghiyang si Diana sa mga kasamahan ko. Pinangolekta ko pa. Kinilabutan ako. Anong kababalag han ito? O niloko rin ako ni Diana sa parteng iyon. Sinabing patay na si Jigo para lang makakolekta ng pera?
Pinagmasdan ko muli ang lalaking nakita. Totoo ngang si Jigo. Hin di ako maaaring magkamali. Siyang-siya talaga ang naglalakad sa silong ng Batha Hotel malapit sa may tindahan ng mga pabango at sapatos.
Unang naisip ko ay ang umiwas. May atraso ako sa kanya dahil sa pa kikipagrelasyon ko sa kanyang asawang si Diana. Baka komprontahin ako. Siguradong alam na niya ang nangyari sa amin ng kanyang asawa. Malaki ang kasalanan ko sa kanya. Kahit na nagsisi na ako sa mga nagawang ka-salanan, hindi ko pa rin kayang humarap sa taong pinagkasalahan. Baka matagal na niya akong hinahanting at binabalak patayin. Anong malay ko na kaya siya narito sa Riyadh ay para ako paghigantihan — para patayin. Ayaw kong mangyari iyon kaya ako na ang iiwas sa kanya. Gusto ko pang mabuhay nang matagal para kina Delia at dalawa kong anak.
Sa kabilang gilid ng Batha Hotel ako dumaan. Mula roon, lulusot ako sa mga tindahan ng ginto. Nang makaraan ako sa gin tuan, mabilis akong naglakad hanggang sa makarating sa unang overpass. Natanaw ko ang isang paparating na mini bus na patungo sa aming housing sa Sitteen. Kapag nakasakay na ako ng bus, ligtas na ako kay Jigo. Hindi na niya ako makikita pa dahil hindi na ako pupunta rito sa Batha kahit kailan. Mahirap nang dito ako mapatay ng aking tinorotot.
Pero nang paparahin ko na ang mini bus ay saka ko narinig ang tawag mula sa aking likuran. Kilalang-kilala ko ang boses — kay Jigo!
“Ninong! Ninong!”
Kinilabutan muli ako. Parang galing sa hukay ang boses o talaga lang malat si Jigo.
“Ninong, hintay!”
Gusto ko nang dambahin ang mini bus pero hindi ko magawa dahil parang nagkaroon ako ng cramps. Hindi ko ma ikilos ang aking mga paa. (Itutuloy)