“HALIKA na rito Papa sa loob,” sabi ng bunso ko ha bang ang panganay naman ay patuloy sa pangungumbinsi sa kanyang mama na noon ay patuloy pa ring humihikbi. Pero alam ko, lumalambot na ang loob ni Delia. Handa na akong patawarin — siguro’y alang-alang sa aming mga anak.
Sumunod ako sa aking anak. Matangkad pa sa akin ang anak kong bunso. Talagang hindi ko na na- subaybayan ang paglaki ng mga anak ko.
“Ang dumi ng damit mo Papa,” sabi ng anak ko at inagaw ang maleta ko. Dinala sa salas.
“Anong oras ang pasok n’yo ng Kuya mo?”
“Ngayon nang alas otso Papa. Hihintayin lang namin ang service na tricycle.”
Nakadama ako ng awa. Noon ay nasa service bus sila ngayon ay tricycle na lang.
“Magpalit ka ng damit Papa. Kunin ko ang mga damit mo sa kuwarto ha?”
“Mamaya na anak, kasi ang mama mo nanduon pa… pagpunta na lang niya rito…”
“Teka puntahan ko nga sila ni Kuya.”
“Sige anak.”
Nang mapag-isa ay pi nagmasdan ko ang kabuuan ng bahay. Walang ipinagbago. Napagmasdan ko ang lumang TV na binili ko sa Riyadh noon. Ang stereo ay luma na rin. Ang sopa na kinauupuan ko ay may palatandaan nang mabubutas. Walang gaanong kasangkapan. Naisuntok ko ang kanang kamao sa sopa. Kung hindi ako natukso kay Diana, tiyak na maraming kasangkapan ang nabili ng aking pera. At siguro, baka nakakuha na ako ng hulugang bahay at lupa. Siguro ay patuloy na nasa service bus ang dalawa kong anak.
Narinig ko ang pagpasok ng aking mag-iina. Akbay ng dalawa kong anak ang kanilang mama.
“Pa, eto na si Mama. Mag-usap na kayong da lawa at papasok na kami,” sabi ng panganay ko.
“Pagbalik namin mamaya, okey na kayo ni Mama ha Pa?”
Napaiyak ako. Si Delia ay nakatingin lamang sa akin. Hindi katulad kanina na matalim ang mga titig ngayon ay handa nang dinggin ang paghingi ko ng tawad.
Nang makaalis ang da lawa kong anak, magkatabi kaming naupo ni Delia sa sopa at kinumpisal ko ang mga nagawang kasalanan.
(Itutuloy)