Ninong (ika-94 labas)

WALA pang alas-otso ng umaga ay nasa amin na ako. Malayo pa, may natanaw na akong maliit na tinda­han sa harap ng aming inuupahang bahay. Kanino kaya ang maliit na tindahang iyon? Binilisan ko ang pag­hak­bang.

Nang malapit na ako sa tindahan nakita kong ang mga tinda pala ay lutong ulam na nakalagay sa mga ka­serola. Alam kong ulam sapagkat transparent ang takip ng mga ka­serola. Nakatalikod naman ang babaing nagtitinda at halatang nagkukuwenta. Hindi ako maaaring magka­mali, si Delia ang na­katalikod.

“Del!” sabi ko.

Hindi agad lumi­ngon si Delia na para bang binobosesan ang tumawag.

“Del, si Mon ito.”

Saka lamang lumi­ngon si Delia. Nasa mukha ang pagka­gu­lat. Hindi makapag­salita. Halatang hindi inaasahan ang pagsul­pot ko. Hanggang sa ang ekpresyong pagka­gulat ay nahalinhan ng galit. Ang mga mata ay tila maiiyak sa galit.

“Anong ginagawa mo rito? Bakit ka narito?”

“Del, patawad.”

“Napakawalang-hiya mo! Alam ko na ang gi­nawa mo! Napa­kasama mo!” sabi at umiyak na si Delia. Na­kita ko ang pag-agos   ng luha.

“Nagsisisi na ako. Patawarin mo na ako, Del, ” sabi ko.

“Hindi!”

“Pinagsisihan ko na ang lahat, Delia. Pata­wa­rin mo na ako.”

“Umalis ka na, Mon!”

Hanggang sa makita ko ang paglapit ng da­lawa naming anak. Na-ka-uniporme. Papasok na sa school.

“Mga anak ko!”

Hindi makapaniwala ang dalawa kong anak. Pero nakita ko sa mga mukha nila ang pagka­sabik. Walang nakata­nim na galit.

“Papa!” sabi ng aking panganay at biglang yumakap sa akin. Su­munod naman ang bunso sa ginawa ng kuya niya. Umiyak na ako.

“Ma, narito na si Papa. Patawarin mo na siya. Para naman ma­saya na tayo,” sabi ng panganay.

“Oo nga Ma, mas maganda kung sama-sama na uli tayo.”

Tiningnan ko si Delia. Walang reak­siyon. Ayaw tuminag.

Nilapitan siya ng panganay ko at ni­yakap. Pinakiusapang mabuti. Desididong lusawin ang galit ng kanyang mama para ako tanggapin. Hang­gang sa bumunghalit ng iyak si Delia. Alam ko, ang pag-iyak na iyon ay palatandaan na unti-unting nalulusaw ang matigas na loob. Nakaamba na ang patawad.

(Itutuloy)

Show comments